PPA NAGHAHANDA NA SA SEMANA SANTA EXODUS

MAAGA pa lang ay naghahanda na ang Philippine Ports Authority para sa inaasahang dagsa ng mga biyahero sa darating na Semana Santa.

Inatasan ni PPA General Manager Jay Santiago ang agarang inspeksyon sa mga pangunahing pantalan sa bansa upang matiyak ang kahandaan sa inaasahang pagdami ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya para magbakasyon.

Kabilang sa mga pantalan na sinuri ng PPA ang Port of Lucena at Port of Balanacan, kasama sina Assistant General Manager for Operations Mark Jon Palomar at Assistant General Manager for Engineering James Gantalao.

Sinuri rin ng grupo ang mga kasalukuyang proyekto tulad ng passenger terminal buildings upang matiyak ang maayos at napapanahong implementasyon ng mga ito.

Nagdaos din ng pulong ang PPA kasama ang Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority at mga shipping line upang pag-usapan ang mas maayos na daloy ng pasahero at kargamento.

Pinag-usapan din ang planong online appointment system para sa mga pasaherong gagamit ng Port of Lucena upang maiwasan ang mahabang pila at mas maging maayos ang biyahe sa peak season.

(JESSE RUIZ)

135

Related posts

Leave a Comment