PPA tiniyak seguridad ngayong Undas 2.2M PASAHERO INAASAHANG DADAGSA SA MGA PANTALAN

AABOT sa 2.2 milyong pasahero ang inaasahang bubulwak sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, kasabay ng paggunita ng mga Pilipino sa Undas 2025, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).

Mas mataas ito ng halos 300,000 pasahero kumpara sa nakaraang taon na nagtala lamang ng 1.9 milyon.

Tiniyak nina PPA General Manager Jay Santiago at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na handa at ligtas ang lahat ng pantalan para sa inaasahang dagsa ng mga biyahero.

Ipinag-utos din ng PPA chief ang suspensyon ng lahat ng leave ng mga kawani upang matiyak ang maayos na operasyon ngayong Undas break.

Kasabay nito, nakipag-ugnayan ang PPA sa Philippine Coast Guard (PCG) at PNP Maritime Group para sa mahigpit na pagbabantay sa seguridad ng mga pantalan.

PCG Heightened Alert Din

Samantala, naka-heightened alert status na rin ang Philippine Coast Guard mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4 bilang paghahanda sa Undas.

Inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng distrito, istasyon, at substation na magpatupad ng mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan at dalampasigan sa buong bansa.

Kasama ang Department of Transportation (DOTr), PPA, at Maritime Industry Authority (MARINA), magbabantay ang PCG sa mga Malasakit Help Desk sa pangunahing pantalan para magbigay ng agarang tulong at impormasyon sa mga pasahero.

Patuloy namang nananawagan ang Coast Guard sa mga biyahero na sumunod sa mga patakaran at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maging ligtas at maayos ang biyahe ngayong Undas.

(JESSE RUIZ/JOCELYN DOMENDEN)

20

Related posts

Leave a Comment