PREPARASYON NG PH TEAM SA SEAG, ASIAN GAMES BITIN

TULAD noong nakaraang taon, nang naantala ang preparasyon ng mga atletang Pilipino sa kanilang paghahanda sa XXXII Games of the Olympiad, muli itong naulit ngayon, kung kailan nakatakdang ipagtanggol ng bansa ang pangkalahatang kampeonato sa Southeast Asian Games na nakamit noong 2019 edition sa Manila.

At sa pangalawang pagkakataon, COVID-19 pa rin ang humahadlang sa paghahanda ng ating mga pambansang atleta para sa 31st SEA Games, na dapat ay noong nakaraang taon pa naisagawa sa Hanoi, Vietnam ngunit nareskedyul ngayong Mayo dahil sa pandemic. Apektado rin ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID sa bansa ang preparasyon ng mga atleta para sa XIX Asian Games na idaraos naman sa Hangzhou, China sa Setyembre.

Ang Rizal Memorial Sports Center sa Maynila, PhilSports Arena sa Pasig City at Teachers Camp sa Baguio City, na pawang ginawang ­quarantine centers noong 2021, ang balak sanang gamiting venues ng Philippine Sports Commission (PSC) sa paghahanda ng ating mga atleta para sa SEAG at Asean Games.

Ngunit pinangangambahang maapektuhan ang pagdedepensa ng bansa sa 149 gold medal haul noong 30th SEAG, pati ang hangaring malampasan ang apat na golds ng bansa sa 2018 Asiad, dahil sa Omicron variant.

Sa kabila ng pandemic, tagumpay na­maituturing para sa mga atletang Pilipino ang 2021, kung kailan nakamit ng bansa ang kauna-unahang Olympic gold medal sa Tokyo sa pamamagitan ng tinaguriang “weightlifting fairy” na si Hidilyn Diaz. Silver medallists naman ang ating boxers na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, habang naka-bronze si Eumir Marcial.

Kaya umaasa ang PSC at maging ang ­Philippine Olympic Committee na magtutuloy-tuloy ito hanggang sa SEAG at Asiad ngayong taon. At sa kabila ng bagong pagsubok dulot ng bagong COVID variant, tiwala ang national sports agency na mananaig ang “pusong palaban” ng mga atletang Pilipino. (EDDIE G. ALINEA)

153

Related posts

Leave a Comment