PREVENTION IS BETTER THAN CURE

PUNA

HINDI lang dapat natatapos sa pangakong suweldo at benepisyo para sa 500 Filipino crew na na-expose sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang responsibilidad ng Diamond Princess Cruise Ship.

Marami pang dapat gawin ang may-ari ng barko at agency ng seamen ng Diamond Princess maliban sa pangakong dalawang buwang sweldo.

Ayon sa impormante ng PUNA, isa sa mga recruitment agency sa Pilipinas na contact ng Diamond Princess ay nasa Intramuros, Manila.

Dapat mabatid ng Diamond Princess at ng ahensiyang nagpaalis sa seamen na nagkaproblema dahil sa COVID-19 na nalagay sa kapahamakan ang buhay ng mga marinero.

Nasa trabaho ang mga seamen nang mangyari ang pagkalat ng virus sa barko kaya’t may mangilan-ngilang Filipino crew na sumailalim sa quarantine sa Japan na nagpositibo sa COVID-19.

Kaya naman upang makaiwas at makatiyak sa kanilang kaligtasan, pagdating sa ating bansa ay kaagad silang isinailalim sa quarantine sa New Clark City.

Umabot ng 14-araw ang itinigil ng mga ito sa quarantine place at nang mag-negatibo ay saka lang nila nakapiling ang kanilang pamilya.

Sa ginawang pagsusuri ng Department of Health, may pagkakataong ilang nahawaan ay nagnegatibo sa una at pangalawang pagsusuri su­balit sa pangatlong pagsusuri ay saka lumabas na positibo sa virus kung saan nakauwi na sa China bago nabatid na nahawaan ito.

Ang sinasabi ng PUNA ay sakaling hindi ganap o eksakto ang lumabas na resulta ng pagsusuri, ibig sabihin nito ay nanganganib ang lahi ni Juan dela Cruz o posibleng magkaroon ng hawaan sa komunidad na titigilan ng taong hindi batid na positibo pala siya sa virus.

Kaya nga ang sinasabi ng inyong lingkod ay kailangan may ‘preventive measures’ ang mga cruise ship at iba pang sasakyan maging ­panghimpapawid, pandagat at lupa.

Kailangang may preparasyon ang mga employer para sa manggagawa upang maiwasan ang anumang sakuna na puwedeng kaharapin ng huli.

Ang totoo, nakukulangan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa tulong na ibibigay ng may-ari ng Diamond Princess sa kanilang mga crew.

Pinagbasehan ng TUCP ang sulat ni Jan Swartz, Group President of Princess Cruises and Carnival Australia, sa mga Filipino crew na binabanggit ang pangakong dalawang buwang suweldo.

Nais ng TUCP na isaa­lang-alang ang proteksyon ng  mga manggagawa.

Mas mahalaga sa lahat ang “prevention is better than cure”. “Aanhin pa ang damo, kung wala na ang kabayo?”. JOEL AMONGO

 

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com cel# 0919-259-59-07.

 

132

Related posts

Leave a Comment