PRICE CAP SA PCR TEST INAASAHAN NGAYONG BUWAN

PIRMA na lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kulang para ganap nang maipatupad ang pagtatakda ng price cap sa RT-PCR test.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kumpleto na ang mga isinagawang pag-aaral at rekomendasyon ukol dito ng technical working group ng IATF at nagawa na rin ang lahat ng paperworks ng Office of the Executive Secretary (OES).

Aniya, nangangahulugan lamang ito na tuloy na ang implementasyon ng price cap, subalit wala pang katiyakan kung hanggang magkano ang ipapataw na presyo ng RT-PCR test.

Sinabi ni Sec. Roque na mas makabubuting hintayin muna ang pag-apruba rito ng pangulo at ang ilalabas na executive order sa mga darating na araw.

Aniya, layon ng ipatutupad na price cap na matigil ang pananamantala ng mga pribadong covid testing center na naniningil nang sobra sa RT-PCR test.

Sa kasalukuyan, ani Sec. Roque ay kaya namang magpresyo ng mula P1,500 hanggang P2,000  kada PCR test tulad ng project arc, subalit sa presyuhan ng ibang pribadong laboratoryo, umaabot ito sa P7,000 hanggang P10,000. (CHRISTIAN  DALE)

228

Related posts

Leave a Comment