PROBE SA 40 LUXURY CARS NG MGA DISCAYA SISIMULAN NA

MAINGAT umanong iimbestigahan ng Bureau of Customs (BOC) ang 40 luxury cars na pagmamay-ari ng mag-asawang Sarah at Pacifico Discaya na inuugnay sa multi-billion flood control projects.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, sisimulan na ng Aduana ang malalimang imbestigasyon hinggil sa hindi bababa sa 40 luxury cars na pag-aari ng mag-asawang Discaya.

Nilinaw ni Comm. Nepomuceno, madali lamang magsimula ng imbestigasyon sa luxury cars na nakaimbak sa commercial establishments gaya ng warehouses, na maisasagawa sa pamamagitan ng Letter of Authority (LOA) na kanyang iniisyu. Subalit hindi umano basta-basta magagawa ang inspeksyon sa residential homes kung walang judicial warrant.

“However, if it’s already a residential area or a house, we need a court order there. We’ll look into it […] In fact, last week, we talked about it. But it’s not just Discayas. I’m looking at what’s on social media. Those are clues. It’s not just them. If we can look backwards to see where those came from… But you can be assured that we’ll take action on that,” ani Nepomuceno sa panayam ng media.

Ang mag-asawang Discaya ay mga kontratista na nakikipag-ugnayan sa pamahalaan sa iba’t ibang proyekto ng flood control at kabilang sa Top 2 and 3 ang Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp. at St. Timothy Construction Corporation na pag-aari ng mga Discaya, sa 15 listahan ng mga kontratistang inilabas ni Pangulong Marcos, na nakakopo ng maraming government projects sa buong bansa.

Plano ng kawanihan na masusing pag-aralan at suriin ang mga dokumento at papeles upang matiyak kung ang imported na mga sasakyan nina Sarah at Pacifico Discaya ay dumaan sa tama at legal na proseso ng pag-import.

Ito ay upang malaman kung sumunod sila sa mga alituntunin at regulasyon ng pamahalaan hinggil sa pagpasok ng mga sasakyan sa bansa.

Bago pa man ang imbestigasyon, ang koleksyon ng mga sasakyan ng mag-asawang Discaya ay naging tampok sa isang panayam, na nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko.

Ang nasabing panayam ang nagbigay-daan upang mas lalong tutukan ng mga awtoridad ang kanilang mga transaksyon.

Ang kumpanya na ito ay nakakuha ng humigit-kumulang sa 20% ng kabuuang bilang ng mga proyekto ng flood control sa buong bansa.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, may posibilidad na kumpiskahin ng BOC ang luxury cars kung mapatunayang hindi nabayaran ang mga kaukulang custom duties at buwis at kung naaayon sa umiiral na mga batas at regulasyon ng bansa.

Ito ay upang masiguro na ang lahat ay sumusunod sa tamang proseso at nagbabayad ng kaukulang buwis sa pamahalaan.

(JESSE RUIZ)

181

Related posts

Leave a Comment