11th MOST WANTED NG NCRPO, TIMBOG

NASAKOTE ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang itinuturing na rank 11 regional most wanted person ng PNP National Capital Region sa kasong pamamaslang, noong Martes ng umaga sa bayan ng Bulan sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, natunton ng kanilang Tracker Team ang pinagtataguan ng puganteng si Arvyn Austral y Gersalia alyas “Niknok,” 33-anyos, walang asawa, laborer, at residente ng Brgy. Gate, sa bayan ng Bulan.

Ayon kay P/Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5 bandang alas-9:30 ng umaga, inilunsad ang law enforcement operation ng pinagsanib na pwersa ng Bulan Municipal Police Station; Mandaluyong City Police Office-PNP-NCR; Police Intelligence Unit, Sorsogon Police Provincial Office; Co, 9th Mobile Force Company; Regional Mobile Force Battalion-NCR; RMU5; Sta. Magdalena MPS; at 2nd Police Mobile Force Coy, SORPPO.

Bitbit ang mandamiento de arresto na ibinaba ng RTC National Capital Judicial Region Branch 209, Mandaluyong City noong Nobyembre 25, 2010 para sa kasong murder, sinalakay ng mga awtoridad at inaresto ang suspek sa pinagtataguan nito sa Purok 6, Brgy. N. Roque, sa bayan ng Bulan.

Ayon sa isinumiteng ulat ni Sorsogon Police Provincial Office Director P/Col. Arturo P Brual Jr., si Austral ay isa sa itinuturong sangkot sa pananaksak sa Mandaluyong noong taong 2010.

Inilipat na sa kustodiya ng NCR ang naturang wanted person na walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang kaso.

“Malawak ang kamay ng batas at ang kapulisan ng Bicol ay patuloy na nagmamatyag sa pagnanais na protektahan ang bawat Bicolano at bigyan ng katarungan ang mga taong nakaranas ng panghahamak. Ang nais namin ay magsilbi sa ating mga kababayan at hindi kami makakapayag na gamiting taguan at pugad ng kriminal ang rehiyong ito,” ani P/Gen. Estomo.

“Ang PNP Bicol sa aking pamumuno ay patuloy na makikipagtulungan sa iba pa nitong counterparts para matukoy ang kinaroroonan ng iba pang may pananagutan sa batas. Hindi natin sila titigilan hangga’t hindi natin sila nailalagay sa likod ng rehas na bakal,” dagdag pa ng heneral.

128

Related posts

Leave a Comment