BATANGAS – Nadagdagan ang bilang ng namatay na mga biktima ng pag-aalburoto ng Taal Volcano, habang nasa evacuaction center sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat, dalawa pang biktima mula sa bayan ng Taal ang binawian ng buhay habang nananatili sa evacuation center sa Sto. Tomas.
Ito ay batay sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction ang Management office.
Napag-alaman, nitong Miyerkoles ng madaling araw nang malagutan ng hininga ang biktimang si Elmer Salvia habang nilalapatan ng lunas sa St. Camillus Hospital sa Batangas City.
Si Salvia ay una munang isinugod sa Cabrini Medical Center sa Sto. Tomas matapos na ma-stroke habang nasa evacuation center sa Barangay San Roque.
Pumanaw naman sa Batangas Medical Center ang isang pang evacuee na si Vivencia Dalisay nitong Miyerkoles ng umaga.
Itinakbo si Dalisay sa ospital noong Sabado nang makaramdam ng pananakit ng tiyan.
Ayon sa doktor, anemia at upper gastro intestinal bleeding ang dahilan ng pagkamatay ng pasyente.
Hanggang nitong Huwebes, umabot na sa lima ang naitalang namatay sa evacuees dahil sa iba’t ibang karamdaman. (NILOU DEL CARMEN)
112