3 PATAY SA BARILAN SA QUEZON

QUEZON – Tatlo ang patay sa nangyari umanong barilan sa pagitan ng apat na hindi kilalang lalaki at mga residente ng Barangay San Jose, bayan ng San Antonio sa lalawigan nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa report ng San Antonio Police, nagsimula ang insidente dakong alas 2:30 ng madaling araw nang sitahin ng security guard na si Jayrenol De Chavez ang apat na lalaking sakay ng isang tricycle na nakitang papasok sa subdivision na kanyang binabantayan.

Subalit nagbunot umano ng baril ang isa sa mga lalaki kaya tumakbo ang sekyu at humingi ng tulong sa kapatid.

Maging ang isang barangay kagawad na lumapit ay binunutan din umano ng baril kaya humingi sila ng tulong sa iba pang mga residente na noon ay naglalamay sa isang bahay sa tapat ng subdibisyon.

Sa pangunguna ng isang Jose Rogello, sinugod ng mga residente ang apat na lalaki na walang nagawa kundi iwanan ang kanilang tricycle at tumakbo sa masukal na bahagi ng lugar at saka tumalon sa ilog.

Nagpatuloy ang habulan hanggang sa umabot sa Barangay Sinturisan kung saan nangyari ang barilan.

Dakong alas 8:30 ng umaga, nadiskubre ang tatlo sa apat na lalaki na wala nang buhay na nakabulagta sa nasabing lugar.

Hindi na rin makita ang mga humabol at nakabarilan umano ng mga ito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at humingi ng tulong sa SOCO para masuri ang mga labi at para mai-process ang crime scene. (NILOU DEL CARMEN)

39

Related posts

Leave a Comment