3 PATAY SA MOTORCYCLE ACCIDENTS SA CAVITE

CAVITE – Patay ang isang driver ng motorsiklo at angkas nitong menor de edad nang tumilapon at pumailalim sa isang truck at magulungan ang mga ito, habang isa pang rider ang binawian ng buhay matapos na sumalpok sa isang tricycle, sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Agad namatay ang biktimang si Christian Bartolome, driver ng motorsiklo, at backride nitong si EJ Santiago, 14, habang hawak na ng pulisya ang driver ng truck na si Robert Apat, 27, ng Block 12, Lot 12, Tierranova, Caloocan City.

Namatay din habang ginagamot sa Our Savior Hospital si Ronald Jasareno, 31, isang bus driver, ng Brgy. Sapa 2, Rosario, Cavite habang hawak na ng Rosario Police ang driver ng tricycle na si Jonathan Lozano, 31, ng Brgy. Silangan 2, Rosario, Cavite.

Ayon sa ulat ni Pat. John Paul Cruz ng Tanza Municipal Police, dakong alas-5:00 ng umaga noong Linggo, sa Brgy. Amaya 2, Tanza, habang minamaneho ni Bartolome ang isang motorsiklo at angkas ang binatilyong si EJ, nang mag-overtake sila sa isang truck na minamaneho ni Apat.

Ngunit nawalan ng kontrol sa manibela si Bartolome dahil sa dinaanang bako-bakong kalsada kaya tumilapon ang mga ito at pumailalim ang mga biktima sa truck na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Minamaneho naman ni Jasareno ang kanyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Gen. Trias Drive, Brgy. Tejeros Convention, Rosario patungo sa direksiyon ng Rosario proper, ngunit pagsapit sa harapan ng isang mall nang tinangka nitong mag-overtake pero nabulaga sa paparating na tricycle na minamaneho ni Lozano, dahilan ng kanilang pagsasalpukan.

Isinugod sa ospital si Jasareno ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

78

Related posts

Leave a Comment