HINIMOK ng grupong Pamalakaya noong Linggo ang gobyerno na alisin na ang fishing ban sa Cavite dahil malala pa aniya ang epekto ng fishing ban kaysa epekto ng oil spill.
Sinabi ng grupo na ang langis mula sa lumubog na motor tanker sa Manila Bay ay hindi naman direktang naapektuhan ang mga pangisdaan sa probinsya.
Ayon kay Ronnel Arambulo, vise-chairperson ng Pamalakaya, mas nakasasama at mas naperhuwisyo ang kabuhayan ng mga mangingisda sa indefinite fishing ban na ipinatupad sa siyam na baybaying bayan sa Cavite kaysa mismong oil spill.
Daing nila, habang isinailalim sa fishing ban ang lalawigan ng Cavite, wala namang regular na suportang natatanggap ang mga mangingisda mula sa gobyerno.
Noong Hulyo 31, nagdeklara si Gobernador Jonvic Remulla ng Cavite, ng state of calamity sa mga bayan ng Bacoor, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, at Ternate matapos lumubog ang oil tanker na Terranova.
Kasabay nito, hinikayat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko na iwasan ang pagkain ng mga isda mula sa mga lugar na apektado ng oil spill, dahil hindi na umano angkop para sa konsumo ng mga tao kaya nawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda.
(NILOU DEL CARMEN)
220