MAGMA NG BULKANG TAAL NASA BUNGANGA NA

BULKANG TAAL

MALABO pang kumalma ang bulkang Taal sa Batangas mula sa nalalapit na pagsabog nito.

Ito ang inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs na bagamat hindi nila batid kung kailan ang nakatakdang pinaka malakas na pagputok ng bulkan ay nakasisiguro silang hindi pa ito ligtas dahil nakitaan na ito ng magma sa bunganga nito.

“This is a dilemma kung paano natin iinterpret ‘yung nakapondo na magma na dumaan sa mga  nagkabitak bitak na lupa sa bulkan,” pahayag ni Mariton Bornas, ang hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Phivolcs.

Una ng ipinaliwanag ni Bornas ang nalalapit na pagsabog ng Taal matapos mapansin ng ahensya na kakaunti na lamang ang narerehistrong volcanic earthquake simula ng ito ay unang sumabog noong Enero 12.

Nitong nagdaang linggo ay nakitaan ng malawak na “fissures” o bitak sa lupa ang ilang mga bayan sa lalawigan ng Batangas na ang ibig sabihin batay sa pag-aaral ng Phivolcs, ay mayroong magma ang kasalukuyang rumaragasa sa ilalim.

Sinabi ni Bornas na kasalukuyan pa nilang diniditermina kung gaano kadami at lawak ng magma na dumadaloy sa ilalim ng lupa na patungo sa “crater” ng bulkan bago tuluyan itong bumuhos paibaba.

Kahapon araw ng MIyerkoles ay nakitaan ng Phivolcs na kakaunti lamang ang ibinubugang puting usok na may kasamang abo ang crater ng Taal na tinatayang nasa 50-hanggang 500 metro ang taas na ikinukunsiderang mababa kumpara sa ibinugang usok nito noong kasagsagan ng unang pagsabog.

Sa datos ng Phivolcs kahapon, naitala lamang nila ang pagbuga sa “sulfur dioxide” mula sa crater ng Taal na nasa 153 tonelada.

Pero babala ng Phivolcs, wag na munang magpaka kampante ang publiko sa kakaunting pagbuga ng “sulfur dioxide” dahil pansamantala lamang na nababarahan ang “ventilation” o lagusan ng usok mula sa ilalim ng lupa ng bulkan.

mga residente, hindi pa pinapayuhang makabalik

Ipinahayag din ni Bornas na kung sakaling bumaba pa ang aktibidad ng bulkang Taal sa susunod na dalawang linggo ay posible na nilang ibaba ang alerto nito mula sa Alert level 4 sa Alert level 3.

“But not all can return to their homes. We will not recommend that,” giit ni Bornas, sabay paliwanag nito na hindi na muling makaka balik pa ang mga residente na naninirahan sa loob ng 14 kilometer permanent danger zone at maging sa extended danger zone na may lawak na 7 kilometro mula sa bulkan.

At kung sakaling may magpumilit na mga residente na bumalik at manirahan sa itinakdang ipinagbabawal na lugar ay tiyak na hindi makakasigurong makalalabas ng buhay kapag tuluyan at biglaang maganap ang mas malakas na mga pagsabog sa Taal. JG TUMBADO

261

Related posts

Leave a Comment