MMDA, COMELEC LUMAGDA SA MOA PARA SA HALALAN 2025

PORMAL nang sinelyuhan nitong Martes, Nobyembre 12,

ang memorandum of agreement sa pagitan ng Metropolitan Manila Development Authority at Commission on Elections, sa pangunguna nina MMDA Chairman Atty. Don Artes at Comelec Chairman Atty. George Garcia.

Laman ng nasabing kasunduan na payagan ang Comelec na magamit ang command center ng MMDA para ma-monitor ang operasyon at sitwasyon sa Metro Manila lalo na sa darating na Halalan 2025 kung saan maigting ding tututukan ang pagbabantay sa election paraphernalia at equipment.

Bukod pa rito, nagpahiram din ang MMDA ng body cameras para sa critical areas, deployable cameras, at MMDA personnel na kanilang ide-deploy para masigurado ang tapat at payapang eleksyon.

“Tulad po ng nasabi ni Chairman Garcia, ide-deputize po ng Comelec ang piling empleyado ng MMDA na tutulong po sa pagmo-monitor ng eleksyon.”

Sinabi pa ni Garcia na mabibigyan naman ng service incentive ang mga ide-deploy na MMDA personnel.

Kumpiyansa naman si MMDA Chairman Artes sa matagumpay na partnership ng ahensya at ng Comelec.

Nagbigay rin ng paalala si Artes sa mga kandidato ngayong 2025 midterm elections.

Ayon pa kay Garcia, tuwing eleksyon ay nagkakaroon ng partnership ang MMDA at Comelec lalo na sa “Oplan Baklas” para sa mga kandidato na ilegal na sumusuway sa itinakdang campaign tarpaulin size na 2 feet by 3 feet lamang.
“Sana nga doon lamang sa public places may matinong pagsunod sa ating mga guidelines kasi otherwise we will always tap the MMDA to support us doon sa pagtatanggal nito,” ayon kay Garcia.

Binigyang-diin din ng Comelec na hindi nila saklaw ang mga pribadong tirahan para magbaklas ng mga tarpaulin ng mga kandidatong hindi sumusunod sa tarpaulin size na kanilang ipinatutupad.

Kamakailan lang ay naglabas din ang Comelec ng guidelines sa social media para sa mga kandidato at nagpaalala sa kanila na maging responsable sa paggamit ng internet sa darating na eleksyon.
Idinagdag pa ng Comelec na sa kasalukuyan ay wala pa namang record ng mga untoward incident para sa preparasyon ng Halalan 2025.

Patuloy rin anila ang pakikipagtulungan ng Comelec sa iba pang ahensya para sa maayos at mapayapang halalan.

Sa Disyembre 13 ay inaasahang ilalabas ng Comelec ang opisyal na listahan ng mga kandidato para sa Halalan 2025. (NEP CASTILLO)

21

Related posts

Leave a Comment