Nagpaputok ng baril sa birthday party 1 PANG LUCENA COP KINASUHAN

ISA pang miyembro ng Lucena City PNP ang nahaharap sa kasong illegal discharge of firearms matapos na walang habas na magpaputok ng baril sa inuman sa pagdiriwang birthday ng isang residente sa Purok Masagana, Brgy. Ransohan, Lucena City noong Lunes ng gabi.

Ayon sa report ng Lucena Police, Martes ng umaga, unang nakarating sa kanila ang reklamo laban sa pulis na si PSSg Arvin Anareta Sayson, 41-anyos, SWAT member ng Lucena PNP, na nagpaputok umano ng baril sa harap ng bahay ng isang residente ng barangay.

Ngunit walang residenteng makapagsalita hinggil sa pangyayari sa mga imbestigador na nag-imbestiga sa lugar.

Subalit noong Miyerkoles, may lumutang ng testigo na siyang nagpatunay sa insidente.

Sinasabing sakay ng kanyang private vehicle, napadaan ang pulis sa harap ng bahay kung saan nagkakasayahan ang mga residente dahil sa birthday party at naimbitahan na makipag-inuman ang pulis.

Sa gitna ng kasayahan, habang may kantahan sa videoke, ilang kainuman nito ang humiling na magpaputok ito ng baril na ginawa naman ng pulis gamit ang kanyang service firearm at saka umalis sa lugar.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa nasabing pulis. (NILOU DEL CARMEN)

48

Related posts

Leave a Comment