PANGASINAN – Patay ang isang babae makaraang gilitan ng kanyang kinakasama nang isumbong ng anak nilang paslit na nagsabi ng “I love you” ang biktikma sa kausap nitong ibang lalaki sa cellphone, iniulat nitong Miyerkoles ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Tricia Mae Tandoc, 27-anyos, habang nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang suspek at kinakasama nito na si Rodel Mabalot, matapos maglaslas sa sarili, kapwa residente ng Brgy. San Pedro Apartado, Alcala, Pangasinan.
Batay sa report ng Alcala Police station, nangyari ang insidente sa bahay ng mag-live in partner sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon, bago ang insidente, may kausap ang biktima sa kanyang cellphone at narinig ito ng kanyang anak na 4-anyos, na umano’y nagsabi ng “I love you” sa kanyang kausap.
Ngunit nagulat si Tandoc nang pagdating sa bahay ni Mabalot ay agad isinumbong ng kanilang anak sa suspek ang narinig nito na sinabi ng ina sa kausap sa telepono.
Kinompronta ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa kumuha ng kutsilyo si Mabalot at pinagsasaksak ang biktima sa tagiliran at likod saka nilaslas ang leeg na naging sanhi ng agarang kamatayan ni Tandoc.
Matapos ang insidente, tinangka ring magpakamatay ng suspek sa pamamagitan ng paglaslas sa sarili.
Agad dinala sa Bayambang District Hospital ng kanyang mga kaanak ang suspek para malapatan ng lunas. (ANNIE PINEDA)
88