CAGAYAN de Oro City – Nakumpiska ng pinagsanib na mga operatiba ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (NBI) ang P882 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo nitong Enero 21 sa lungsod na ito.
Gayunman, hindi nahuli ng mga tauhan ng BIR at NBI ang mga may-ari ng mga sigarilyong nakalagay sa 5,000 kahon.
Ang nasabing operasyon ay patunay na nananatiling talamak ang ilegal na pagnenegosyo ng sigarilyo at kapalpakan ng BIR at NBI na mahuli ang mga negosyanteng gumagawa nito.
Ang operasyon ay batay sa “mission order” ni BIR Regional Director Nuzar Balatero.
Ayon kay Jonathan Darimbang, opisyal ng BIR legal department, 3,000 kahon ng sigarilyo ang nakumpiska sa Barangay Bayabas at 1,707 kahon naman sa Barangay Cugman.
Ang mga pangalan ng sigarilyong nakumpiska ay YS Filter, RED, Jackpot, Bravo, Marvels, Astro at Two Moon, saad ni Darimbang.
Aniya, ang nasabat na mga sigarilyo ay nakitaan ng mga pekeng BIR stamps at ang iba ay walang stamp.
Nangangahulugang sinadya ang paglabag sa Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code of 1997. (NELSON S. BADILLA)
185