QUEZON – Magsasagawa ng prayer rally at forum ang mga grupo ng environmentalist upang ipanawagan ang pagprotekta sa kalikasan at likas na yaman sa lalawigan.
Ayon kay Jay Lim ng Tanggol Kalikasan, isasagawa ang aktibidad na tinawag na “Lakad-Dasal para sa Kalikasan, Katotohanan at Kaligtasan” sa Biyernes ng umaga.
Magsisimula ang paglalakad ng mga sasama sa prayer rally sa harap ng St. Ferdinand Cathedral sa Lucena City patungo sa kapitolyo ng Quezon upang hilingin sa pamahalaang panlalawigan na tuluyang ipatigil na ang iba’t ibang mga quarrying operation sa lalawigan.
Ayon kay Lim, bagama’t nag-isyu na dati ng moratorium si Quezon Governor Helen Tan sa quarry operations sa bayan ng Sariaya at laylayan ng Bundok Banahaw, mayroon aniyang patuloy pang nagsasagawa ng patagong pagku-quarry, hindi lamang sa Sariaya kundi maging sa iba pang bayan katulad ng Pagbilao, na lantaran ang pagtibag ng bundok sa gilid mismo ng Maharlika Highway sa Barangay Palsabangon.
Talamak din aniya ang pamumutol ng mga kahoy sa itaas ng Banahaw na isang protected area.
Nangangamba ang mga environmentalist na kung hindi matitigil ang ang ilegal na gawain ay mangyayari rin sa Quezon ang mga kalamidad ng mga malawakang pagbaha at landslides. (NILOU DEL CARMEN)
51