Sakay ang 92 AFP personnel 31 PATAY SA C-130 PLANE CRASH

0

ISA na namang air asset ng Philippine Air Force (PAF) ang nabawas nitong Linggo nang bumagsak ang isang C-130H “Hercules” transport aircraft na binili mula sa ipinagkaloob na grant ng US government sa Patikul, Sulu, pagkumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief, Gen. Cirilito Sobejana.

Sa inilabas na pahayag ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana, isang C-130 aircraft ng PAF bumagsak habang sinisikap na lumapag sa Jolo airport dakong tanghali nitong Linggo.

Sa inisyal na ulat, 92 personnel ang sakay nito kabilang ang tatlong piloto at limang crew. Habang ang iba ay Army personnel na magre-report sa duty.

Ayon sa pinakahuling ulat, 31 na ang nakumpirmang namatay sa nasabing insidente habang 50 ang nasagip na mga sugatan.

Umabot naman sa 29 bangkay ng mga sundalo ang narekober sa pinangyarihan ng insidente. Nabatid na 17 pa ang ‘unaccounted’ military personnel, ayon sa manifesto.

Habang apat na sibilyan sa binagsakan ng eroplano ang sugatan din at dalawang sibilyan ang namatay.

Samantala, sa panayam kay Gen. Sobejana ng Defense Reporters, sinabi nitong nangyari ang sakuna bandang alas-11: 30 ng umaga.

“Kaninang 11: 30 a.m., one of C-130s while transporting our troops from Cagayan De Oro, na-miss niya ‘yung runway, trying to regain power, at hindi nakayanan bumagsak dun sa may Barangay Bangkal, Patikul, Sulu,” ayon sa initial information na ibinahagi ng heneral sa media.

Tumanggi munang magbigay ng detalyadong impormasyon ang opisyal dahil ongoing pa ang isinasagawang rescue operation sa military aircraft.

“Firefighting efforts are now ongoing and there was no immediate reports or details regarding fatalities and casualties,” ani Sobejana.

Inihayag nito na may 40 passengers na ang na-rescue at agad na itinakbo sa 11th Infantry Division Hospital sa bayan ng Busbus, ng lalawigan ng Sulu.

Kinumpirma rin ng Philippine Air Force ang pagbagsak ng kanilang C-130 plane.

“A C-130 aircraft of the Philippine Air Force with tail #5125 figured in a mishap upon landing in Jolo. The said aircraft took off from CJVAB (Col. Jose Villamor Air Base) papuntang Lumbia Airport at nagsakay ng kanilang mga tauhan papuntang Jolo,” ani PAF spokesperson, Lt. Col. Maynardo Mariano.

Ang bumagsak na eroplano ay isa sa dalawang C-130H aircraft na nakuha sa pamamagitan ng grant na ipinagkaloob ng US government at ginagamit bilang troop, medical evacuation, at cargo transport aircraft. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment