PROBLEMA SA BALIKBAYAN BOXES NADAGDAGAN PA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MAY nakaambang problema sa balikbayan boxes na kung hindi mabibigyan ng tamang atensiyon ay magiging isa pang dahilan sa pagkaantala ng paglalabas ng balikbayan boxes mula sa Bureau of Customs.

Ito ang lumalalang problema sa pagpupuslit ng droga gamit ang balikbayan boxes. Ilang beses na ring nakasabat ang Customs at PDEA ng mga droga galing sa ibang bansa, na nakatago sa loob ng ilang balikbayan boxes.

Nito lang nakaraang mga araw, nakasabat muli ang Bureau of Customs ng isandaang kilong shabu na nagkakahalaga ng daan milyong piso, sa ilang balikbayan boxes na galing sa U.S.

Ayon sa impormasyon na ibinahagi sa atin ng bagong talagang hepe ng Intelligence Group ng BOC at Deputy Commissioner Romeo Rosales, mas nagiging malikhain na ang mga nagpapasok ng droga sa bansa upang hindi kaagad maamoy ng drug sniffing canines ng PDEA.

Ang nasabat na droga ay inihahalo na ngayon sa lata ng powdered milk at makukuha lamang kapag tinunaw na ang gatas dahil ‘di naman natutunaw ang shabu sa tubig at lulutang lang, ayon mismo kay Deputy Comm. Rosales.

Dahil dito, maghihigpit na muli ang Customs sa balikbayan boxes na galing sa mga lugar na nahulihan na ng droga.

Malaking problema ito para sa deconsolidators dahil kapag nahulihan ng droga ang isang shipment ay kailangang inspeksiyunin na lahat ang mga kahon. Kaya maaantala ang releasing nito na magiging dahilan para lumaki ang gastusin ng mga maglalabas at magde-deliver nito.

Ayaw naman ng Bureau of Customs na mangyari ito pero kailangan nilang makasiguro na mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga ilegal na droga.

Magkakaroon ng pagpupulong ang Customs kasama na ang deconsolidators at maging ang inyong lingkod sa darating na mga araw upang pag-usapan at hanapan ng solusyon ang lumalalang problemang ito.

54

Related posts

Leave a Comment