PROBLEMA SA BASURA AGAD NA TINUGUNAN NI MAYOR ISKO AT 10 BILLS INIHAIN NI SEN. ERWIN!

TARGET ni KA REX CAYANONG

PAGKABALIK pa lamang sa puwesto bilang alkalde ng Maynila, agad na hinarap ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang suliraning matagal nang pinapasan ng lungsod — ang tambak ng basura.

Isang matibay na pahayag ito na ang liderato ni Domagoso ay hindi para sa pag-uurong-sulong, kundi para sa maagap na aksyon at responsableng pamamahala.

Sa gitna ng problemang iniwan ng mga dating kontratistang Phileco at Metrowaste, na biglaang tumiwalag sa kanilang obligasyon na hakutin ang basura ng lungsod, hindi nagpatumpik-tumpik si Mayor Isko.

Imbes na sisihin ang nakaraan o magpatumpik-tumpik, humingi agad siya ng tulong sa Leonel Waste Management, ang dating basura collector ng Maynila. Ang mas nakabibilib, pumayag ang Leonel na hakutin ang mga basura — kahit walang bayad.

Ito ay malinaw na patunay na ang tunay na serbisyo publiko ay hindi laging nakabase sa kontrata, kundi sa malasakit sa kalinisan, kalusugan, at dignidad ng lungsod.

Kaya sa ganitong klase ng pagtutulungan, makikitang posible pa rin ang pagkilos na may malasakit at malasakit na may aksyon.

Bukod sa agarang pagsasaayos ng koleksyon ng basura, inihayag din ng alkalde ang planong pagdedeklara ng state of health emergency dahil sa sandamukal na basura sa lungsod.

Samantala, isang malinaw na pahayag ng intensiyon at paninindigan para sa kapakanan ng bayan ang isinagawang paghain ni Senador Erwin Tulfo ng kanyang sampung (10) prayoridad na panukalang batas sa Senado.

Isa sa pinakamabigat na panukala ni Tulfo ay ang pagsusuri sa Rice Tariffication Law.

Hindi rin malilimutan ang kanyang Barangay Officials’ Salary Standardization Law na kumikilala sa mahalagang papel ng barangay officials bilang frontliners sa pamahalaan.

Ang National Land Use Act ay matagal nang isinusulong sa Kongreso ngunit laging natatabunan.

Hindi rin nakaligtaan ni Tulfo ang Professional Review Centers, Health Courses Expansion Act at Simplified Aid Access Act, Medical Parole Act, Anti-Road Rage Act, Anti-Conflict of Interest in Public Utilities Act, at Review of the Expanded Solo Parents Act.

Ang sampung panukalang ito ay salamin ng isang lider na hindi bulag sa hinaing ng bayan. Hindi ito mga panukalang para lamang sa papogi o pamumulitika kundi mga konkretong tugon sa matagal nang mga suliranin ng ordinaryong Pilipino.

7

Related posts

Leave a Comment