PROBLEMA SA ILEGAL NA DROGA

MARAMING katanungan ang ipinarating sa PUNA ng ating mga tagasubaybay.

Partikular ang problema ng bansa sa ilegal na droga na hanggang ngayon ay hindi nasosolusyunan.

Ayon sa kanila, matatapos na lang daw ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa June 30, 2022 ay nananatili pa ring malala ang bentahan ng ilegal na droga sa iba’t ibang lugar sa bansa.

May butas daw kasi ang kampanya ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa problema sa illegal drugs.

May mga nagsabi naman sa PUNA na dapat nagsimula raw ang paglilinis sa illegal drugs mula sa mga awtoridad, kawani ng gobyerno at ang panghuli ay sa mga pribadong mamamayan.

Kaya hanggang ngayon ay hindi raw nawawala ang pagkalat ng illegal drugs sa lansangan dahil dito nagmumula ang malaking kita ng mga nasa likod nito.

Kabilang na riyan ang mga tiwaling kawani ng ­gobyerno at ilang mga awtoridad.

Kapuna-PUNA na sa kabila ng mga ipinatutupad na quarantine protocols ng gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic ay nakakalusot pa rin ang ipinagbabawal na droga sa lansangan.

Sabi pa nga ng mga taga­subaybay ng PUNA, may mga pagkakataon pa na ngayong panahon ng pandemic ay mas marami pa ang nahuhuli ng mga awtoridad na lumalabag sa quarantine protocols kaysa nagtutulak ng ilegal na droga.

Hindi naman daw pwedeng sabihin na kulang ang gobyerno ng mga tao na maghahabol sa mga nasasangkot sa illegal drugs.

Nariyan ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Army (PA), Philippine Coast Guard (PCG) at marami pang iba.

Sa susunod na taon sa buwan ng Mayo, ay magkakaroon na naman ng halalan, kailangan maging matalino ang mamamayan sa pagpili ng mga uupo sa pamahalaan.

Minsan lang sa tuwing ika-6 na taon tayo nagkakaroon ng pagkakataon na makapamili ng vice president, president at iba pang mga posisyon sa gobyerno.

Sila ang magpapatakbo sa buong Pilipinas, sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa.

Kaya siguraduhin natin na maaasahan natin sila ‘pag sila ay nakaupo na sa kani-kanilang mga posisyon, na gagampanan nila ang kanilang mga trabaho.

Hindi puro papogi at pangako lang ang ating titingnan kundi ang integridad at tunay na may malasakit sa mga Pinoy ang ating ihalal.

‘Pag nagkamali tayo, panibagong anim na taon tayong maghihintay at magsasakripisyo para muli silang mapalitan.

Ngayong panahon ng pandemya, maraming naging aral sa atin, nakita natin kung sino sa ating mga inihalal ang natulog lang sa pansitan.

Ang iba pa sa kanila, sa halip na tumulong sa taumbayan ay lalo pa silang nagpayaman sa pamamagitan ng pagkakasangkot sa kaliwa’t kanang kurapsyon.

Marami sa mga Pinoy ang nawalan ng trabaho, nagugutom at nagbuwis ng kanilang buhay dahil sa pandemya, pero marami sa mga ­nakapwesto sa gobyerno ay walang pakialam sa mga ordinaryong mamamayan.

Kaya nasa ating mga kamay ang ikauunlad ng Inang Bayan. Sa 2022 presidential at local elections, ‘wag nating sayangin ang ating mga boto. Ang bawat boto natin ay puntos para sa ating kinabukasan.

Illegal drugs, kurapsyon at kahirapan ay mawawala kung magiging “wise” tayo sa pagpili ng mamumuno sa atin sa susunod na taon (2022).

Magparehistro para makaboto!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

213

Related posts

Leave a Comment