RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGING maayos ang isinagawang meeting nito lang Miyerkoles sa opisina ni Bureau of Customs Assistant Commissioner Atty. Jet Maronilla, na dinaluhan ng representative ng Makati Express Cargo na si Mr. Mandip (isang Indian national), ng inyong lingkod kasama ang aking cameraman, Atty. Maronilla, at isa sa mga broker nito at pinagkakautangan din, ang L98 na pag-aari ni Ms. Leslie Lim ng Cebu.
Matagal nang inilapit sa aming programa ang problema sa mga balikbayan box na ipinadala sa Makati Express Cargo.
Katulad ng aking binabanggit sa programa, may tie-up na kami sa BOC upang ipatawag ang mga consolidator na may problema sa delivery ng balikbayan boxes.
Sa isinagawang meeting, aminado si Mr. Mandip, na Area Manager ng Makati Express Cargo sa Pilipinas, na hindi marunong magpatakbo ng negosyo ang mga anak ng namatay na may-ari nito. Ito raw ang dahilan kung bakit nagkawindang-windang ang kanilang operasyon.
Sa tulong ng BOC, nangako ang pamunuan ng Makati Express Cargo na uunahin nilang i-deliver ang mga kahon na mas matagal nang naipadala at uunti-untiing bayaran ang mga utang sa mga broker upang mai-deliver na ang lahat ng mga kahon. Ayon kina Mr. Mandip at Ms. Leslie Lim ng L98 brokerage, magsisimula muli ang delivery ng balikbayan boxes tatlumpung araw o isang buwan matapos ang aming paghaharap.
Idinahilan nito na kailangan munang mailabas sa Customs ang nakatenggang containers kasama na ang pagbabayad sa penalty ng mga ito.
Para po sa akin ay maituturing ko nang solve ang kaso ng reklamo sa Makati Express Cargo ngayong naipagharap na ng BOC ang mga kinatawan nito, dahil nagbigay na sila ng date kung kailan magsisimula ang delivery pero katulad ng ibang kaso na hawak namin, hindi kami bibitiw sa pagsubaybay hangga’t hindi kami nakatatanggap ng mga mensahe mula sa inyo na nakuha na ng pamilya ninyo ang inyong mga padala.
169
