“PROTECTOR OF THE FILIPINO PEOPLE”

SIDEBAR

Nitong nakaraang araw ng Linggo (Mayo 26) ginanap ang pagtatapos sa Philippine Military Academy ng Class of 2019 Mabalasik na ang ibig sabihin ay “Mandirigma ng Bayan, Iaalay ang Sarili, Lakas at Tapang Para sa Kapayapaan.”

Si Cadet First Class Dionne Mae Umalla ang valedictorian ng Class 2019 at nakakaiyak ang kanyang naging talumpati dahil binigyan niya ng mukha ang mga kadete ng PMA at dito makikitang ordinaryong tao rin ang mga nagiging opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Galing sa mahirap na pamilya sa Alilem, Ilocos Sur si Umalla at ang kanyang ina ang nagpalaki sa kanilang tatlong magkakapatid matapos magkahiwalay ang kanyang mga magulang noong nasa Grade 2 si Umalla.

Maging isang doktor ang ambisyon ni Umalla pero naging imposible ito dahil sa kanilang kahirapan. Maging isang teacher ng Mathematics ang ikalawang ambisyon ni Umalla pero hindi rin ito nangyari matapos himukin siya ng ina na kumuha ng examination sa PMA para libre ang kanyang apat na taong pag-aaral.

Navy Ensign na ang ranggo ni Umalla sa Philippine Navy na may katumbas na 2nd Lieutenant sa Army at Air Force. Maliban sa mga hinakot niyang awards sa PMA graduation, binigyan din siya ni Pangulong Rodrigo Duterte ng bahay at lupa na isang magandang regalo para sa kanyang pamilya.

Dahil sa makulay na valedictory speech ni Umalla ay hindi na halos napansin ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa 261 graduating class ng PMA Mabalasik.

Partikular na binigyang-diin ng pangulo ang paglilingkod sa bayan at kung kinakailangan ay mamatay para sa bayan. Karugtong nito ang habilin ni Duterte na kung sa tingin ng Mabalasik Class ay hindi maganda ang pamamalakad sa gobyerno na maaaring sumira sa bansa, alam na nila ang dapat gawin.

“Serve your country well. Die for your country if need be. Remember the young Filipinos yet to come, the children… and if you think the country is not run the [right] way and if it will destroy your country, you should know what to do…Be good soldiers. Protect the people, secure our sovereignty and preserve the integrity of our national territory,” ang naging pahayag ng pangulo.

Makikita sa naturang pahayag ng pangulo ang Constitutional mandate ng mga sundalo bilang “protector of the people” na ang ibig sabihin ay ang kanilang katapatan o loyalty ay hindi sa gobyerno kundi sa taumbayan na siyang bumubuo ng isang bansa kasama na ang ating soberenya at ang pambansang teritoryo.

Unang nasaksihan ng bansa ang pagiging “protector of the people” ng AFP noong 1986 EDSA People Power Uprising kung saan nagkaisa ang mayorya ng mga sundalo na lumaban sa Rehimeng Marcos na matagal na nagpahirap sa taumbayan.

Ikalawang beses na nasaksihan ang pagiging “protector of the people” ng AFP noong EDSA 2 kung saan nagkaroon ng withdrawal of support ang liderato ng AFP at Philippine National Police kay Pangulong Joseph Estrada dahil sa isyu ng korapsyon at maling pamamalakad sa bansa.

Malinaw na alam ni Pangulong Duterte na ang katapatan ng AFP ay dapat sa taumbayan at hindi sa pamahalaan. At sakaling makita nilang mali ang pamamalakad sa bansa ay alam nila ang dapat gawin. Dito masusukat ang pagi­ging mahusay na lider ni Pangulong Duterte. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

534

Related posts

Leave a Comment