MAPALAD ang People’s Republic of China na ngayon ay nasa ilalim ng liderato ni Pangulong Xi Jinping sapagkat napakabilis nitong napasok ang mga estratehikong pangangailangan ng mamamayan ng bansang Pilipinas.
Sa ngayon, nakapasok ang pamahalaan mismo ng China sa industriya ng telekomunikasyon at serbisyo-publikong tubig sa bansa.
Sa larangan ng telekomunikasyon, kasosyo ni Dennis Uy ang pamahalaan ng China sa Dito Telecommunity Inc.
Ang Dito ay siyang nanalong kumpanya bilang “third telco” sa bansa, una at pangalawa ang Globe Telecom ng pamilya Ayala at Smart Communications ng pangkat ni Manny Pangilinan, na kapwa may kasosyong mga dayuhan.
Kaya, huwag magtaka at magalit kung maging kasosyo ni Dennis Uy ang pamahalaan ng China.
Maliban sa industriya ng telekomunikasyon, napasok din ng pamahalaan ng China ang tubig.
Nakuha ng China ang P12 bilyong halaga ng Kaliwa Dam Project sa pamamagitan Official Development Assistance (ODA) loan mula sa China kaya naman ang kasunduan na pinasok ng China at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay maraming probisyong ” onerous and diasadvantageous” sa bansa.
Ang Kaliwa Dam ay nasa Kaliwa River na nasa pagitan ng mga lalawigan ng Quezon at Rizal ay magiging malaking tulong na pagkukunan ng tubig para sa mga negosyante at residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil hindi sapat ang tubig na nakukuha sa Angat Dam ng Maynilad at Manila Water na nagsusuplay sa Metro Manila.
Mayroong probisyong nasasabing batas ng China ang susundin sa proyektong Kaliwa Dam at Hong Kong International Arbitration Centre ang magpapasya kung sakaling magroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga pamahalaan ng Pilipinas at China bukod pa sa walang karapatan at kapangyarihan ang pamahalaan ng Pilipinas na igiit ang “right of immunity” dahil sa usapin ng soberensya at ang pinakamalupit ay kailangang “confidential ang interes ng utang ng Pilipinas sa China.
Kitang kita na talung-talo ang Pilipinas sa kasunduang pinasok ng MWSS sa China kaya nararapat lang na ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proyekto at mapag aralan ng Department of Justice at Office of the Solicitor General ang kasunduan. (BADILLA NGAYON / Nelson Badilla)
