PINALITAN ng paksyon ni Senador Manny Pacquiao bilang chairman ng PDP-Laban si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa national council meeting ng partido, inihalal ng mga dumalong miyembro si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III bilang party chairman kapalit ni Pangulong Duterte.
Ayon kay PDP-Party executive director Ron Munsayac, itinalaga naman bilang vice chairman si dating Governor Lutgardo Barbo.
“The PDP LABAN National Council elected Sen. Koko Pimentel as its Chairman & former Gov. Lutgardo Barbo as Vice Chairman,” saad ni Munsayac.
Sinabi ni Munsayac na ang national council meeting ng partido ay dinaluhan ng kanilang national at regional officers gayundin ng national chairmen na pinangunahan ng Party President na si Senador Pacquiao.
Ipinaliwanag din ni Munsayac na ang bawat posisyon sa kanilang partido ay limitado lamang sa dalawang taon.
Sinabi ni Munsayac na si Pangulong Duterte ay itinalaga bilang Party Chairman noon pang 2016. (DANG SAMSON-GARCIA)
