SA gitna ng pandemya, patuloy na nagbibigay-karangalan sa bansa ang Pinoy athletes.
Katunayan nito lang buwan ng Hunyo, ilang Filipino athletes ang nagwagayway ng bandila sa international stage at dalawa rito ay pawang nasa kanilang teen years.
Nagpakatatag si golfer Yuka Saso para talunin si Nasa Hataoka sa three-hole playoff upang ibulsa ang US Women’s Open, at maging unang Filipino golfer sa kasaysayan na naging major winner.
Sa edad 19, ang double-gold medalist sa 2018 Asian Games, ay tumabla kay South Korean Inbee Park bilang pinakabatang naging kampeon sa torneo.
Ang 16-anyos netter na si Alex Eala ay nagwagi naman sa French Open girls’ doubles title kapartner si Russian Oksana Selekhmeteva, nang talunin nila ang eighth seeds Russian tandem nina Maria Bondarenko at Hungarian Amarissa Kiaratoh sa straight sets, 60-7-5 sa Paris.
Ito ang ikalawang Grand Slam doubles title ni Eala, na scholar sa Rafael Nadal Academy, matapos magwagi sa Australian girls crown noong nakaraang taon.
Hindi rin pahuhuli si pole vaulter at Olympic-bound EJ Obiena, nang magwagi ng ilang gold medals, kasama ang record-breaking performance sa Jump and Fly International Athletics sa Mossingen, Germany, kung saan nakapagtala sila ng bagong national record na 5.85 meters, na nalaktawan din niya (5.87 meters) sa silver medal finish sa World Continental Tour sa Poland.
Sa kaparehong buwan din nakakuha ng spot sa Tokyo Olympics sina golfers Juvic Pagunsan, Bianca Pagdanganan at Saso, gayundin sina skateboarder Margielyn Didal, judoka Kiyomi Watanabe, shooter Jayson Valdez, sprinter Kristina Knott, weightlifter Elreen Ando, swimmers Remedy Rule at Luke Gebbie at para-athlete jin Allain Ganapin para sa Tokyo Paralympics.
Sa kasalukuyan, may 19 atleta na ang kakatawan sa Pilipinas sa Olympic Games na pormal na magsisimula sa Hulyo 23.
Bawat buwan ay may hihiranging ‘best athlete’ ang PSA bilang pagkilala sa mahusay na performance ng mga ito. (VT ROMANO)
147 