PUBLIC TRANSPORT PINADARAGDAGAN

PINAYUHAN ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang Department of Transportation (DOTr) na dagdagan ang tumatakbong public transportation imbes na bawasan ang ipinatutupad na physical distancing at kung maaari bigyan sila ng subsidy.

Isinagawa ni Go ang naturang apela matapos sabihin ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 na habang kinikilala nila na dapat nang unti-unting palakasin ang ating ekonomiya, ang desisyon ng DOTr na bawasan ang physical distancing sa mga pampublikong sasakyan ay masyado pang maaga at napakamapanganib.

“Sang-ayon ako sa rekomendasyon ng mga eksperto at mga doktor na pansamantalang ipagpaliban sana ang pagpapaluwag ng health protocols tulad ng pagpapaikli ng distansya ng mga tao sa pampublikong sasakyan,” sabi ni Go.

“Huwag nating isugal kung may posibilidad na mas kumalat ang sakit. Ayaw nating tumaas muli ang numero ng nagkakasakit, lumala ang sitwasyon at tuluyang bumagsak ang ating healthcare system,” anang senador.

Ayon kay Go, dapat na sundin at pakinggan ang naging komento ng medical experts dahil sila ang mas nakaaalam tungkol sa kalusugan bilang mga frontliner ng bansa sa paglaban sa coronavirus (COVID-19) pandemic.

“Kapag nakita kasi ng mga tao na pumayag na tayo na luwagan ang physical distancing measures sa public transportation, baka pumasok sa isip ng tao na pwede na palang maging kampante sa iba pang lugar.

Mahihirapan tayo na limitahan lang sa transportation aspect ang polisiyang ito,” sabi ni Go.

Sinabi ng mambabatas na batay sa pag-aaral ng mga eksperto, ang physical distancing ay isa sa pinakaepektibong paraan upang makaiwas sa transmission ng COVID-19.

At upang matugunan naman ang pangangailangan ng publiko at transport sector, dapat na humanap ng paraan upang matulungan sa kanilang kabuhayan ang public utility vehicle drivers nang hindi nalalagay sa panganib ang kanilang buhay at ang buhay ng mga pasahero.

Iginiit ni Go sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan na ang iba pang PUVs na makabiyahe sa lansangan.

Matatandaang inanunsyo ng DOTr na itinutulak nito ang plano na unti-unting bawasan ang 1-meter rule sa PUVs, simula sa 0.75 meters para makarekober at kumita ang public transport sector. (ESTONG REYES)

120

Related posts

Leave a Comment