PULIS NAG-RAMBO, NAPATAY NG KABARO

BUNSOD ng depresyon, ala-Rambo na nagpa-ulan ng bala ang isang 46-anyos na miyembro ng District Police Intelligence Operation Unit ng Manila Police District na ikinamatay ng isang pulis at isa pa ang nasugatan ngunit napatay rin ng kanyang mga kabaro ang suspek noong Biyernes ng gabi sa loob ng headquarters sa United Nations Avenue, Ermita, Manila.

Hindi umabot nang buhay sa Manila Doctors Hospital ang suspek na si P/EMS Reynante Dipasupil, residente ng Punta, Sta. Ana, Manila.

Samantala, namatay rin sa Manila Medical Center si P/EMS Romeo Cantal habang inoobserbahan si P/MSG. Reynaldo Cardova.

Batay sa ulat ni Det. Raul Rojo ng MPD-Homicide Section, bandang alas-11:30 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa loob ng opisina ng DPIOU.

Ayon kay P/SSgt. Michael Datur, duty officer ng DPIOU, dumating na lasing si Dipasupil.

Sinabi umano nitong huwag siyang pakialaman dahil may mabigat siyang problema, saka binuksan ang kanyang locker at kinuha ang nakatabing armalite.

Pagkaraan ay kinalabit ang gatilyo ngunit hindi pumutok kaya kinuha naman ang nakatagong Galil 5.56 MM na rifle at pinutok ng pitong beses sa kisame.

Kasunod nito, bumaba si Dipasupil at dito umano niya naka-engkwentro si P/Lt. Col. Dionelle Brannon, hepe ng District Drug Enforcement Unit, ngunit masuwerte itong hindi tinamaan hanggang sa paputukan ng suspek ang loob ng opisina ng DDEU at tinamaan si P/MSgt. Raynelado Cordova.

Matapos ang pamamaril, nagtungo si Dipasupil sa corridor ng D3 saka sinabihan si P/Cpl. Salvador Nepomuceno na pumasok ng D-3.

Nagtungo si Dipasupil sa ika-2 palapag ng headquarters at pinuntahan ang tanggapan ng Office of the District Director saka muling nagpaputok ng baril hanggang sa gumanti ng putok si P/Cpl. Jomar Dela Paz na naka-assign bilang desk officer kaya mabilis na tumakas papalayo si Dipasupil.

Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ni General Leo Francisco na nagresulta sa engkwentro.

Tumakbo sa exit gate si Dipasupil sa likuran ng headquarters at dito umano pinaputukan si Cantal matapos sabihan ang suspek na sumuko na.

Kapwa isinugod sina Cantal at Cordova sa Manila Medical Center habang si Dipasupil ay dinala sa Manila Doctors Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Bandang 3:05 naman ng madaling araw nitong Sabado nang malagutan ng hininga si Cantal habang si Cordova ay patuloy na inoobserbahan. (RENE CRISOSTOMO)

132

Related posts

Leave a Comment