HINDI nagdalawang isip ang isang tauhan ni PNP-PRO5 Regional Director P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo na i-breastfeed ang isang sanggol nang marinig ang iyak nito habang dumudulog sa pulisya ang ama ng paslit.
Bunsod nito, umani ng papuri mula kay Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang ginawa ni P/MSG. Catherine Surban ng Virac Municipal Police Station sa Catanduanes.
Pinuri rin ng heneral ang dalawa pang pulis mula sa Mankayan MPS, sa lalawigan ng Benguet, na inihele ang anak ng isang inang dumulog sa himpilan ng pulisya.
Nabatid na nagpasaklolo ang ama ng sanggol sa mga pulis sa Virac MPS matapos abandonahin umano ng ina ang paslit.
Nang marinig ang iyak ng sanggol, hindi nagdalawang isip si P/MSG. Surban na pasusuhin sa kanyang dibdib ang sanggol.
Ayon kay P/Gen. Eleazar, ipinakita ng mga pulis sa kanilang naging hakbang ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko.
Aniya, “Mas maganda po kung sa ganitong bagay makikilala ang ating mga pulis at ang buong organisasyon dahil ito naman po ang ating mandato, ang tumulong at magbigay serbisyo sa ating mga kababayan,” pahayag ni Eleazar.
Sinabi pa ni P/Gen. Eleazar, sisiguruhin niyang mabibigyan din ng angkop na pagkilala at parangal maging sina P/Cpl. Ghrills Linnum at Patrolman Aileen De Los Reyes ng Mankayan MPS, sa kanilang ipinakitang kabutihan at pagiging makatao.
Hindi lamang inaksyunan ng mga tauhan sa Mankayan MPS ang hinaing ng isang ginang, tinulungan pa siyang tingnan at alagaan ng kanyang anak.
Inalagaan muna nila P/Cpl. Linnum at Patrolman De Los Reyes ang anak ng ginang upang maituon ang pansin sa kanyang hinaing sa pulisya.
Hinele pa ng mga pulis ang paslit hanggang sa makatulog ito. (JESSE KABEL)
312
