BINIGYANG-PUGAY ni PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil, si Police Staff Sergeant Carlo Sotelo Navarro, 45-anyos, nakatalaga sa BF Homes Police Substation (SS-5).
Bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa tapat at matapang na serbisyo sa sambayanang Pilipino, ipinamalas ni Sgt. Navarro ang kanyang wagas na katapangan habang tumutugon sa isang tawag noong Mayo 23, 2025.
Sa ulat, dakong alas-10:45 ng umaga ay rumesponde sina PSSg. Navarro at PSSg. Maret, kasama ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) dahil sa panggugulo ng isang indibidwal sa Creek Drive 1, Valley 8.
Nang makaharap na nila ang suspek na nakilalang si “Arnold” ay bigla na lamang nitong inundayan ng saksak si Sgt. Navarro na tinamaan sa ulo at dibdib na kaagad naman na awat ni PSSg. Maret at ang mga kasamang BPATs.
Agad isinugod ang nasugatang pulis sa kalapit na ospital at ngayon ay nasa mabuting kalagayan at nagpapagaling na sa kanilang tahanan.
Ipinapakita ng insidenteng ito ang araw-araw na panganib na kinahaharap ng ating mga alagad ng batas, at ang tapang na kinakailangan upang maglingkod at magprotekta sa mamamayan.
“Ang katapangan ni PSSg Navarro ay isang paalala ng sakripisyong ginagawa ng ating mga pulis araw-araw. Tumugon siya sa tawag ng tungkulin nang walang pag-aalinlangan, batid ang mga panganib.
Iyan ang tunay na serbisyo. Ipinagdarasal namin ang kanyang agarang paggaling at taas-noo naming kinikilala ang kanyang kabayanihan,” ani PGen Marbil.
Nagpaabot naman ng buong suporta ang Philippine National Police kay PSSg Navarro at sa kanyang pamilya at sa lahat ng piniling maglingkod nang may dangal at katapangan, sa kabila ng panganib.
Nakatakda naman sampahan ang suspek ng mga kasong alarm and scandal, direct assault, attempted murder, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 (BP 6) at Batas Pambansa Blg. 881 (BP 881) sa Parañaque Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
(TOTO NABAJA)
