PULIS QC NA TIKTOKER LUMABAG SA POLISIYA NG PNP

MAKARAANG mag-post sa social media ng kontra sa gobyerno, isinailalim sa AWOL (Absent Without Official Leave) status ang pulis tiktoker mula Quezon City Police District (QCPD) at posible ring maharap sa mga kasong criminal.

Tinukoy ng pamunuan ng QCPD na ang naturang pulis ay lumabag sa patakaran ng Philippine National Police (PNP) para sa non-partisan at political neutrality sa hanay ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pampulitikang sitwasyon, lalo na ngayong panahon ng pangangampanya para sa nalalapit ng eleksyon sa Mayo.

Ayon kay QCPD acting chief Colonel Melecio Buslig Jr., isinailalim sa AWOL status si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas dahil sa paglabag sa PNP policy na political neutrality ng lahat ng miyembro ng pulisya.

Sa isinagawang press conference, nilinaw ni Col. Buslig na bukod sa AWOL status, posibleng maharap sa mga kasong grave misconduct, conduct unbecoming of police officer, neglect of duty at kasong sedition si Fontillas.

Sa inisyal na ulat, nag-post si Fontillas ay sa social media ng kanyang mga deklarasyon laban sa gobyerno at sa administration ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hinggil sa mga kaganapan sa pulitika dito sa ating bansa.

“Under Philippine laws, uniformed personnel—including members of the PNP, AFP (Armed Forces of the Philippines) and other law enforcement agencies—are mandated to remain apolitical” ayon kay Buslig.

Sinabi pa ng acting district director ng QCPD na lumabag si Pat. Fontillas sa polisiya ng PNP matapos itong mag-post sa kanyang social media account ng laban sa gobyerno.

Bunsod nito, sinabi pa ng opisyal na agad umaksyon ang pamunuan ng QCPD laban sa post ni Fontillas dahil paglabag umano ito sa anti-cybercrime kaya maaaring maharap sa kasong sedisyon ito, batay sa Revised Penal Code.

“Kapag pumasok siya bukas, matapos ang kanyang leave, personal ko siyang kakausapin hinggil sa kanyang mga aksyon sa social media,” sabi pa ni Buslig.

Kaugnay nito, kasalukuyang hindi pa rin nagpapakita si Pat. Buslig at hindi rin nakikipag-ugnayan sa kanyang superior officer. (PAOLO SANTOS)

27

Related posts

Leave a Comment