PULIS TIMBOG SA P16-M PUSLIT NA YOSI SA ZAMBOANGA CITY

ZAMBOANGA CITY – Dinamba ng kanyang kabaro ang aktibong pulis makaraang makumpiskahan ng mga smuggled na sigarilyo sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng Zamboanga City Police at PNP Maritime Group kahapon sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa ulat, Miyerkoles ng madaling araw nang ikinasa ng 1st Special Operations Unit–Maritime Group, Zamboanga City Police Station 4 (ZCPS4) Intelligence Section at iba pang unit ng pulisya ang operasyon sa Sitio Bactus, Barangay Talabaan ng nasabing lungsod.

Nauna rito, nakakuha ng impormasyon ang mga awtoridad na ang mga puslit na sigarilyo ay daraan sa nabanggit na lugar.

Dito naharang ng mga awtoridad ang isang Isuzu Elf Closed Van na may kargang 282 master case ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na tinatayang nasa P16,158,600.00 ang halaga.

Kaagad naman naaresto ang 55-anyos na driver at ang 43-anyos na pulis na nakatalaga sa Jolo, Sulu Province na siyang nagpakilalang may-ari ng kontrabando.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ZCPS4 ang naarestong mga suspek, habang ang mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyan ay na-turn over na sa Bureau of Customs para sa nararapat na disposisyon.

(TOTO NABAJA)

62

Related posts

Leave a Comment