Pumalag sa political harassment VP SARA KAY GEN MARBIL: SINUNGALING KA!

(JESSE KABEL RUIZ)

INALMAHAN ni Vice Presidente Sara Duterte ang pagsisinungaling umano ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil sa pag-aalis ng kanyang police escort na malinaw na political harassment.

Kahapon ay naglabas ng open letter si VP Sara para kay Marbil dahil sa pagsisinungaling ng heneral hinggil sa pag-pullout ng kanyang 75 police security detail na isang hakbang para alisin ang mga pulis na kanyang pinagkakatiwalaan.

Inalis umano ang kanyang PNP Police Security and Protection Group (PSPG) personnel matapos itong magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at magkomento sa inilabas na ‘polvoron video’.

“Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko mag-resign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event at pagkatapos lumabas ang cocaine video,” ani Duterte.

“Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment,” ani VP Sara.

Sinabi pa ng bise presidente na kasama umano sa relief order ang PNP personnel na pinagkakatiwalaan niya dahil ilan sa kanila ang nasa security ni dating pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 habang ang iba ay bahagi na ng security niya mula pa noong 2007.

“It was obviously a targeted list and a targeted maneuver — nothing else,” sabi ng pangalawang pangulo.

Inanunsyo ni Duterte noong Martes na 75 PSPG na naka-assign sa kanyang security detail ang inalis alinsunod sa kautusan ni Marbil na ipinalabas noong Hulyo 22.

Nilinaw pa ng opisyal na hindi hiniling ng PNP na i-pull out ang PSPG personnel sa OVP upang dagdagan ang pwersa sa National Capital Region (NCR).

“Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas ‘di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang relief orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP,” pahayag ni Duterte.

Paliwanag pa niya, nilikha ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) sa ilalim ng PSPG ng National Police Commission (NAPOLCOM), partikular para sa kanyang seguridad at ng susunod pang mga bise presidente ng bansa.

Ipinahiwatig din ni Duterte na maaaring malagay sa panganib ang kanyang pamilya sa pagkalos ng security personnel.

Nagbigay naman ng direktiba si Marbil na i-rationalize ang deployment ng PSPG personnel at bigyang prayoridad ang mga indibidwal na kilalang may high-security threats.

Ayon sa pahayag ni Marbil, layunin ng hakbang na ito na makamit ang ideal police-to-population ratio na 1:500.

Sa kasalukuyan, isang pulis ang responsable sa humigit-kumulang 2,000 katao.

Ang kautusan ay inilabas matapos ang pagtapyas ng 75 PSPG personnel na naka-assign sa seguridad ni Vice President Sara Duterte na ililipat sa ibang police units.

“Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili? Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos,” patuloy pa ni Duterte.

Samantala, kinumpirma ni Marbil na patuloy na nagbibigay ang PNP ng top-tier security services kay Duterte.

MIAA ‘No Comment’
sa NAIA Video

Samantala, tumangging magkomento ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa kumalat na larawan at video ng pag-alis ni VP Sara at kanyang pamilya patungong Germany.

Depensa ni MIAA General Manager Jose Eric Ines, hindi sila nakikisali sa isyu ng pulitika at batid aniya nila na may umiiral na Data Privacy Act.

Inilabas ang pahayag ng MIAA chief kasunod ng open letter ni VP Sara na tinawag na malisyoso ang pagkalat ng video sa NAIA kung saan nakunan ang kanyang mga menor de edad na anak at asawa.

249

Related posts

Leave a Comment