SA kabila ng babala ng gobyerno, nananatiling hamon sa Bureau of Customs (BOC) ang pagkalat sa merkado ng mga pinaniniwalaang ipinuslit na gulay mula sa bansang Tsina.
Bilang tugon, sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), kasama ang operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang bodega sa mga lungsod ng Maynila at Navotas kung saan tumambad ang hindi bababa sa P35-milyong halaga ng iba’t ibang klase ng gulay.
Bitbit ang Letter of Authority (LOA) na pirmado ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, unang tinungo ng pinagsanib na operatiba ang bodega sa kahabaan ng Asuncion St. sa Tondo, Maynila kung saan bumulaga ang santambak na suplay ng sibuyas, luya, tapioca, harina at asukal .
Hagip din sa nasabing warehouse ang mga chemical preservatives na gamit para maiwasan ang agarang pagkabulok ng mga hilaw na pagkain, bukod pa sa mga pekeng pampaganda at sigarilyo.
Sumunod na pinasok naman ng BOC at NBI ang bodega ng Vifel Storage sa kahabaan ng North Bay Boulevard sa Navotas City. Dito naman tumambad ang inatadong parte ng baka, manok at isdang natagpuan sa 31 cold storage rooms.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na pawang saklaw ng hold order ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang mga nasabing suplay na pinaniniwalaang ipinapakalat sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Isang alyas Lei Tsai ang sinasabing responsable sa illegal importation ng mga nasabing suplay na una nang tinukoy ng pamahalaan na hindi ligtas kainin ng mga tao lalo pa’t hindi umano dumaan sa tamang pagsusuri ng mga angkop na ahensya ng gobyerno.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa hangaring patibayin ang anumang kasong isasampa laban sa nasabing Tsino.
Samantala, nasabat din ng mga operatiba ng Port of Subic ang limang dambuhalang containers na kararating pa lamang sa bansa.
Nang buksan at inspeksyunin ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, dito na tumambad ang mga sariwang gulay at gabi.
Sa datos ng BOC-POS, lumalabas na isang Saturnus Corporation ang nagmamay-ari ng mga nasabing produktong pawang walang kaukulang permits at clearances mula sa Department of Agriculture.
Kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang isasampa sa importer ng mga nasabing suplay.
