QC DPOS OFFICIAL ‘NINONG’ NG SUGALAN?

LUMUTANG ang pangalan ng isang opisyal ng Department of Public Order and Safety o DPOS na umano’y protektor ng patuloy na operasyon ng ilegal na pasugal sa lungsod Quezon.

Ito ay kasunod ng malawakang operasyon kontra sa lahat ng uri ng ilegal na sugal batay na rin sa kautusan ni Quezon City District Director Remus B. Medina.

Ayon sa impormasyong nakalap mula sa isang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng distrito, nabisto na ‘patong’ umano sa operasyon ang DPOS official na pansamantalang hindi pinangalanan, matapos itong ituro ng mga naarestong indibidwal na naaktuhang nangongolekta ng pataya sa mga komunidad.

Tuluy-tuloy na pumutok ang pangalan ng umano’y protektor dahil karamihan sa mga naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ay siya ang itinuturo na kanilang ‘timbre.’

‘Kaya hirap ang pamunuan ng aming Barangay na masawata ang operasyon ng ilegal na sugal sa aming lugar dahil sa kanyang ibinibigay na proteksyon,’ pahayag ng isa sa mga Barangay Captain na nakiusap huwag pangalanan matapos humingi ng tulong upang matuldukan na ang pamamayagpag ng ilegal na operasyon sa kanyang nasasakupan.

‘May mga nahuli na dating mga sangkot sa ilegal na sugal sa aming lugar subalit pinakakawalan lang dahil sa kanyang galamay,’ dagdag pa ng Barangay Official.

Dahil dito, lumakas ang panawagan ng mga pamunuang barangay sa lungsod na tutukan ng kapulisan ang DPOS official na umano’y ‘ninong’ ng ilegal na pasugal sa kanilang mga barangay upang maputol na ang operasyon nito.

304

Related posts

Leave a Comment