QUEZON GOV. SUAREZ, ABOGADANG ANAK NASA HOT WATER

KAPAG napatunayan, posibleng ma-disbar ang abogadang anak ni Quezon Governor Danilo Suarez na si Atty. Joana Suarez at suspensyon naman laban kay Gov. Suarez dahil sa ginawa umanong pag-areglo o panunuhol ng mag-ama sa menor de edad na biktima upang iurong nito ang isinampang mga kasong kidnapping and serious illegal detention with rape, laban kay Lopez, Quezon Municipal Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde.

Sa limang pahinang complaint affidavit ng pamilya ng biktima na isinampa sa office of the Ombudsman (OMB), inireklamo nila ang mag-amang Governor Danilo Suarez at Atty. Joana Suarez ng obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at paglabag sa Paragraph (e) sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices act.

Kabilang na rito ang mga reklamong administratibo o grave abuse of authority, grave misconduct, dishonesty, oppression, at paglabag sa Paragraph (a, b and c) under Section 4 ng RA 6713, laban kay Gov. Suarez.

Katuwang naman ng batang biktima at ina nitong si Rose Rosario Tapiador, 53-anyos, sa pag­hahain ng kaso sa Ombudsman nito lamang October 7, 2021, ang grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc., sa pangunguna ni Prop. Salvador Singson-de Guzman.

Sa reklamo na inihain ng ina ng batang biktima, hiniling nito sa Ombudsman ang agarang aksyon laban kay Gov. Suarez at anak nito upang mapigilan ang mga respondent na maipluwensyahan ang kanilang kaso laban kay Konsehal Yulde.

Nakasaad sa complaint affidavit ni Rosario Tapiador sa Ombudsman, na pilit inaareglo ni Governor Suarez sa pamamagitan ng kanyang anak na si Atty. Joana Suarez, ang nabanggit na mga kaso laban kay Councilor Yulde na pinatotohanan naman ni Anamarie Santiago na siyang kasama ni Atty. Suarez nang magtungo ito sa bahay ng pamilya ng biktima.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Anamarie Santiago, siya ay pinsan ni Rose Tapiador, ina ng batang biktima, siya ang nagturo at kasama ni Atty. Suarez nang magtungo sa bahay ng pamilya Tapiador sa Pasig City, at nakaharap siya at narinig niya nang alukin umano ni Atty. Suarez ng P3 milyon ang biktima kapalit naman ng pag-urong nito sa inihaing kaso laban kay Councilor Yulde.

Na ang paunang bayad aniya ay P2 milyong cash at ang balanse na P1 milyon naman ay ibibigay ni Atty. Suarez kapag pumirma na ang biktima ng affidavit of desistance; subalit hindi umano nagtagumpay si Atty. ­Suarez dahil tumanggi ang biktima at nanindigan siyang hustisya ang kailangan niya, hindi pera.

Naganap umano ang tangkang pang-areglo o panunuhol ni Atty. Suarez sa biktima noong Setyembre 25, 2021.

Samantala, inakusahan din ni Anamarie Santiago si Gov. ­Suarez ng pagpapadukot sa kanya noong madaling araw ng Setyembre 22.

Kuwento ni Anamarie, dakong alas-2 ng madaling araw noong Setyembre 22, natutulog siya sa kanilang nirerentahang bahay sa Malabon City kasama ang kinakasama niyang si Rodel, nang may biglang kumatok sa pintuan ng kanilang bahay.

Pagbukas umano ni ­Anamarie ng pintuan kaagad na pumasok sa loob ng bahay nila ang tatlong armadong lalaki na naka­suot ng bonnet.

Kaagad umano siyang hina­wakan sa braso ng isa sa mga armadong kalalakihan at sinabihan siyang sumama nang maayos sa kanila dahil ipinasusundo siya ni Governor Suarez.

Bago umano sila umalis ay binantaan pa umano ng tatlong dumukot sa kanya ang kanyang kinakasama na huwag itong magsusumbong sa pulis at sa kahit kanino dahil papatayin nila si Anamarie kapag ginawa niya iyon.

Sinabi ni Anamarie na ka­agad siyang isinakay sa ­isang sasakyang van na kulay puti at nakita niya sa loob ng sasakyan ang hipag niyang si Myrna na taga Mauban, probinsya ng Que­zon, na siya umanong nagturo sa kanyang kinaroroonan, dinala umano siya sa kapitolyo ng Quezon at doon siya pansamantalang ikinulong.

At noong Setyembre 24, 2021, aniya ay dumating si Gov. Suarez sa kapitolyo at naka­usap niya ito, kung saan inatasan umano siya ni Gov. Suarez na tulungan sila upang makalabas ng kulungan si Councilor Yulde dahil kailangan niya umano si Councilor Yulde para sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kay Engr. Tan ng DPWH sa Region 1.

Pinakiusapan umano siya ni Gov. Suarez na samahan ang anak nito na si Atty. Joana Suarez sa tinutuluyang bahay ng pamilya Tapiador dahil sa batid ni Gov. Suarez na alam ito ni Anamarie.

Ayon naman kay Prop. De Guzman, ang pahayag ni Ana-marie Santiago ay isang matibay na basehan upang mapanagot sa kaso si Governor Suarez at anak niyang si Atty. Joana Suarez, dahil malinaw na nais nilang pagtakpan ang mga kaso ni Yulde sa publiko, at ito ay isang malaking paglabag sa itinatadhana ng batas.

Nauna nang kinasuhan ng batang biktima ang akusadong si Municipal Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde ng Lopez, Quezon, sa Provincial Prosecutor’s Office ng Rosales, Pangasinan, sa tulong na rin ng grupo ni Prop. De Guzman noong Mayo 14, ng kidnapping at paulit-ulit na panghahalay sa batang Tapiador na nangyari sa loob ng isang hotel sa Rosales, Pangasinan, mula Abril 17 hanggang Abril 22, 2021.

Kaagad namang inaksyunan ito ni Assistant Provincial Prosecutor Ramil J. Lopez at nagpalabas ito ng resolution at information kaugnay ng mga nasabing kaso at isinampa ito sa Regional Trial Court ng Rosales, Pangasinan.

Dahil dito, nagpalabas naman ng dalawang mandato de aresto si Judge Roselyn Andrada-Borja ng RTC Branch 53 ng Rosales, Pangasinan, noong Setyembre 15, 2021. Ito’y para sa mga kasong kidnapping and ­serious illegal detention with rape na may Criminal Case No. 7345-R at paglabag sa Section 5 (b) Article 111 ng Republic Act No. 7610 na may Criminal Case No.7344-R, laban kay Yulde na walang kaukulang piyansa.

Noong Setyembre 20, 2021 naman ay inaresto si Councilor Yulde ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detections Group, sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Huesca, at mga pulis ng Lopez at Catanauan Municipal Police Stations, 1st Quezon Provincial Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion ng Region 4-A.

Samantala, sa kasalukuyan ay nailipat na aniya sa Pangasinan Provincial Jail si Councilor Yulde, ito’y kasunod na rin nang ipinalabas na kautusan ng hukuman, kung saan naisampa at diringgin ang naturang mga kaso laban kay Yulde.

244

Related posts

Leave a Comment