QUIAPO CHURCH, KALYE SARADO MUNA – NCRPO

SA hangaring tiyakin ang pagpapatupad ng mga alituntuning binalangkas kaugnay ng nalalapit na pista ng Itim na Nazareno sa Maynila, pansamantalang isasara ng Manila Police District ang mga kalsada sa paligid ng simbahan sa Quiapo, batay na rin sa direktiba ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO).

Sa kalatas ni NCRPO chief, Police Maj. General Vicente Danao, inatasan si Manila Police District chief, Brig. General Leo Francisco na ipatupad nang buong higpit ang mga reglamentong inilatag bilang pag-iingat sa gitna ng peligrong dala ng posibleng hawaan ng nakamamatay na Omicron variant.

Bagama’t kanselado ngayong taon ang Traslacion, magtatalaga pa rin ng sapat na pwersa ng mga pulis ang MPD para bantayan ang mga kalyeng sarado.

Kabilang din sa babantayan ay ang mismong simbahan na una nang sinabing sarado muna sa publiko.

Pasok sa talaan ng mga isasarang kalye ang southbound lane ng Quezon Blvd., mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Quezon Bridge/Palanca, westbound lane ng España Blvd., mula P. Campa hanggang A. Mendoza.

Gayundin ang kahabaan ng Evangelista St., mula Plaza San Juan hanggang CM Recto Ave., ang kahabaan ng P. Paterno St., mula Quezon Blvd hanggang Evangelista ay mananatiling sarado hanggang Linggo,

Ang kahabaan ng Carriedo, mula Avenida Rizal hanggang Plaza San Juan, at ang kahabaan ng Carlos Palanca Sr. St., mula McArthur Bridge hanggang Quiapo ilalim (Quinta Market) ay isasara rin.

Ang kahabaan naman ng Bustos St., mula Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Avenue ay hindi rin muna maaaring daanan.

Mula sa northbound lane ng Rizal Avenue hanggang Carriedo at CM Recto Avenue, no entry muna.

Maaari namang kumanan sa Fugoso St., kaliwa sa Rizal Avenue o Severino Reyes St. hanggang sa kanilang destinasyon ang lahat ng mga sasakyan na dumaraan ng Quezon Blvd. na galing ng A. Mendoza.

Lahat naman ng mga sasakyan na galing sa Quezon City na daraan sa westbound lane ng España Blvd. ay dapat kumaliwa sa Nicanor Reyes St., (Morayta), kanan sa CM Recto Avenue, o kanan sa P. Campa St., hanggang Fugoso St. patungo sa kanilang destinasyon.

Diretso naman sa Plaza Sta. Cruz patungong Dasmariñas St. hanggang sa kanilang paroroonan ang mga sasakyan na mula sa MacArthur Bridge na nais dumaan sa C. Palanca St. o sa northbound lane ng Rizal Avenue.

Lahat naman ng mga sasakyang daraan ng Evangelista St. ay pinayuhang dumaan sa Sales St., hanggang CM Recto Ave. hanggang sa kanilang destinasyon.

Nakaantabay naman ang MPD Station 1 sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Cenon Vargas; MPD Station 2, sa pamumuno naman ni Lieutenant Colonel Harry Lorenzo III, ground commanders Lieutenant Colonel John Guiagui at Major Jervis Soriano ng MPD Station 3 at Plaza Miranda detachment bilang pagsisiguro sa perimeter ng simbahan ng Quiapo. (RENE CRISOSTOMO)

 

187

Related posts

Leave a Comment