QUO VADIS JUAN DE LA CRUZ?

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MARAMI ang nagulat sa balitang ipinagbibili na ang bahay ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa Davao City. Ito ‘yung simpleng haybol sa isang subdibisyon na tinitirahan ni Digong at ng kanyang partner na si Honeylet Avanceña. Sa bahay na ito may litrato si Duterte na natutulog sa kama na may kulambo para hindi siya lamukin.

Pagkalipas ng ilang araw ay tinanggal na rin ang “for sale” signage sa tarpaulin sa harap ng bahay. Tinutulan daw ni Digong at mga anak ang desisyon ni Honeylet na ibenta ito. O baka naman, ayaw lang nilang mawala ang “simbolo” ng simpleng pamumuhay ng dating pangulo at pamilya kahit na bilyong piso ang pinaniniwalaang kabuang halaga ng kanilang nakatagong kayamanan na nagmula sa kung saan-saan.

Pero hindi ako nagtataka sa desisyon ni Honeylet na idispatsa ang bahay. Pragmatiko siya.

Why? Malabo na kasing makauwi ang dating pangulo na kasalukuyang solong nakakulong sa kanyang selda sa The Hague, Netherlands sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) na nakapaloob sa tinatawag na “crimes against humanity” laban kay Digong resulta ng maraming tinodas sa kanyang malagim na giyera laban sa droga noong kanyang administrasyon.

Sa datos ng gobyerno, nasa 6,200 ang namatay o pinatay sa drug war. Pero sa independent record ng human rights groups, tinatayang nasa 30,000 ang biktima.

Mahigit na tatlong buwan na siyang nakatangkal matapos siyang arestuhin ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong March 11, pagkalanding ng sinakyan niyang eroplano mula sa Hong Kong.

Bagama’t kumpleto sa doktor at gamot sa piitan, siguradong malaki na ang epekto kay Digong ng kanyang pagkakadetine. 80-anyos na siya. Maraming sakit. Kahit sinong normal ang kalusugan ay iindahin din ang nakabuburyong na solitaryong pagkakakulong. Tiyak na namamayat na siya ngayon at lalo pang lalala ang kanyang mga sakit. Nakakaawa din naman.

May petisyon sa ICC ang kanyang abogado na pansamantalang palayain si Digong at manatili sa ibang bansa habang isinasagawa ang paglilitis. Kesyo, matanda na siya, masasakitin, hindi raw naman tatakas si Digong at marami pang isinasangkalang dahilan.

Pero malabong pagbigyan ng ICC ang petisyon sa harap ng matinding pagtutol ng pamilya ng mga biktima ng drug war. At sa paliwanag nga ng barbero ko: “Paano maniniwala ang ICC sa kampo ni Duterte gayung mula’t sapul ay ipinagsisigawan nilang kinidnap o ilegal ang pagkakaaresto sa kanya? ‘Yun bang kinidnap, kapag nakalabas ay babalik pa sa kanyang tangkalan? Hindi na!”

Kaya itong hangad ng kanyang pamilya at alipores na pansamantala siyang palayain – suntok ito sa buwan.

At sino naman pati ang bansang tatanggap sa kanya? Simula noong arestuhin siya at ikulong, walang lider ng alinmang bansa ang nagpahayag ng pagkondena sa ginawa sa kanya.

Kahit na ano pang dakdak, “Bring home PRRD” rallies at iba pang aktibidades para sa kanyang paglaya, kahit pansamantala, ang gawin ng kanyang mga alipores dito sa Pilipinas at ibang bansa – ang huli ay sa Australia na dinaluhan ni Vice President Sara Duterte – walang naging positibong resulta kahit na ngiyaw.

Ni wala ngang opisyal ng Australian government ang pumansin kay Sara noong andun siya gayung bise presidente siya ng Pilipinas. Dinedma lang siya. Para siyang ininsulto.

##########

Lalo namang nagiging masalimuot kung paano reresolbahin ang proseso ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. At posibleng makarating pa ito sa Korte Suprema at labagin ang Saligang Batas.

Gayunpaman, iisa lang ang tiyak dito – hindi mapatatalsik ang bise presidente sa kanyang puwesto kahit pa sangkatutak ang klarong ebidensya sa pagkawala o ginawang panderekwat sa multi-milyong pisong pondo ng gobyerno na nasa kanyang disposisyon bilang pangalawang pangulo at dating kalihim ng Department of Education.

May sapat na bilang si Sara ng mga kapanalig na senador na aaktong huwes sa impeachment court sa Senado na magdedesisyon sa kanyang mga kaso. Siyam lang na senador ang bumoto ng NO, libre na siya. At sa komposisyon ng bagong Senado, sobra sa siyam ang kanyang alyado.

Pero bakit todo pa rin ang pag-iingay ng pagtutol ng kanyang mga alyado sa Senado at pati na rin si Sara? Ang target – ibasura na agad ang impeachment case at huwag nang maglitis.

Dahil kung magkakaroon pa ng paglilitis, mabubuyangyang sa publiko ang mga konkretong ebidensya ng panderekwat pati na rin ang mga nakatagong sandamakmak na pera ng pamilya Duterte.

Tiyak na wawasakin nito ang ambisyon ni VP Sara na maging pangulo ng bansa sa 2028 election. At ito ang hinahadlangan ni Sara at buong pamilya Duterte.

Pero sa gitna ng sitwasyon ngayon sa Senado, may mga senador na tumutulo ang laway sa inaasahang pagbaha ng pera para masungkit at matiyak ang kanilang boto kung pabor kay Sara o hindi.

Kung YES or NO sila – depende ito sa kapalit na halaga. Sa pulitikang Pinoy, walang permanenteng alyado. Iisa lang ang kinikilala ng mga politiko sa Pilipinas – ang bulto ng salapi na nasa kanilang harapan.

Subaybayan natin ang bawat pangyayari kaugnay sa kontrobersya ng impeachment. At sana, may mapulot tayong aral na makatulong upang itaas ang ating kamalayang pampulitika nang hindi na tayo madenggoy.

##########

Nagsimula na sa panunungkulan ang bagong halal na 12 bagong senador, mga kongresista, at opisyales ng lokal na pamahalaan.

Ngayon, may maaasahan bang positibong pagbabago sa buhay ang mamamayan? O panibagong yugto lang ito ng patuloy na lumalalang trahedya sa lipunang Pinoy.

Quo vadis Juan de la Cruz. Kaya mo pa ba?

Wala naman tayong magagawa sa sitwasyon ngayon. Dahil kung anoman ang kalagayan ng Pilipinas at mga Pilipino ngayon, resulta ito ng ating desisyon. Magtiis tayo hanggang sa dumating ang panahon na kaya na nating manindigan ng tama, ihalal ang mga matatapat at karapat-dapat na manungkulan sa ating pamahalaan.

Sama-sama tayong manawagan sa Panginoong Diyos na gabayan niya tayo sa katuparan ng hangaring ito. AMEN.

5

Related posts

Leave a Comment