SISIMULAN na ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa susunod na buwan ang pagdinig sa quo warranto petition laban kay Senador Erwin Tulfo kaugnay sa isyu ng kanyang citizenship.
Kinumpirma ito ni Senador Kiko Pangilinan, miyembro ng SET, habang tiniyak naman ni Tulfo na handa siyang harapin ang kaso na inihain ng disbarred lawyer na si Berteni Cataluña Causing.
Ayon kay Tulfo, apat na beses nang naghain si Causing ng disqualification case laban sa kanya sa COMELEC ngunit lahat ay naibasura. Maging ang tangkang pagpigil sa kanyang proklamasyon ay ibinasura rin ng komisyon.
Tiwala ang senador na madidismiss din ang bagong petisyon, bagama’t inamin niyang maaaring umakyat sa Korte Suprema ang kaso.
Ipinakita rin ni Tulfo ang kanyang sertipikasyon mula sa US Embassy na nagpapatunay sa kanyang non-citizenship, pati na ang birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Tuloy lang sa trabaho,” diin ng senador, kasabay ng pahayag na patuloy siyang maglilingkod sa taong bayan sa kabila ng mga kasong pilit ibinabato laban sa kanya.
Iginiit ni Tulfo na inihalal siya ng taumbayan para maglingkod at ito ang kanyang patuloy na ginagawa.
(DANG SAMSON-GARCIA)
17
