‘Quota’ na sa kapalpakan REMULLA PINATAHIMIK NA NG PALASYO?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KASABAY nang biglaang paghahain ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ng 10 araw na leave of absence sa trabaho nang walang sinabing dahilan sa halip ay humiling ng pang-unawa at respeto sa privacy ng opisyal ay bulong-bulungan ngayon ang posibilidad na pinatahimik ito ng Palasyo.

Duda ng source ng SAKSI Ngayon, nais nang pagpahingahin ng Malakanyang si Remulla dahil nakakaladkad ang administrasyong Marcos sa kapalpakan at mga isyu ng katiwalian na kinasasangkutan ng mga ahensya na nasa ilalim ng kapangyarihan nito.

Diumano, bago pa nangyari ang pagkakabisto sa ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsilbing escort upang makalabas mula sa NBI jail ang high profile inmate na si Jose Adrian Dera gamit ang mismong sasakyan ng ahensya, ay marangya na ang buhay nito sa kulungan.

Hindi umano isang beses lang nakalabas si Dera sa kanyang NBI detention cell at nakakapamasyal.

Sa imbestigasyon ng NBI, bukod sa pagkain sa restoran ng hotel sa Makati noong nakalipas na Martes ng gabi kasama ng isang babae, ineskortan pa si Dera, na umano’y drug lord, patungo sa kanyang bahay sa Rizal.

Kasama niyang lumabas ang limang jail guards.

Nagawa rin umanong makapunta ni Dera sa Tagaytay, Subic sa Pampanga, at Calatagan sa Batangas.

Matapos mabunyag ang espesyal na trato kay Dera ay mistulang naghugas-kamay lang ang DOJ.

Lumalabas na nagbabayad umano ng daan-daang libong piso si Dera upang mabigyan ng special treatment sa loob ng pasilidad ng NBI.

Si Dera, isa sa co-accused sa kasong ilegal na droga ni dating Senador Leila de Lima ay sinampahan na ng kasong corruption of public officials noong Huwebes habang mga kasong graft at bribery ang inihain naman sa mga tauhan ng NBI na kanyang kasama.

Kamakailan, muling natimbog sa ikinasang manhunt operation ng Manila Police District (MPD) sa isang condominium unit sa San juan City ang fugitive sa bansang South Korea dahil sa pagpatay sa asawa matapos itong makatakas mula sa Bicutan detention facility ng Bureau of Immigration (BI).

Si Kang Junchun, 38, Korean national na akusado sa brutal na pagpatay at pag-chop-chop sa kanyang asawa ay naharang sa NAIA terminal 2 noong February 10 habang papasok ng bansa dala ang malaking halaga ng dolyar. Ito ay nakatakas sa BI jail makaraang tumalon mula sa bubong ng piitan at bakod na may taas na 20 feet.

Si Kang ay maaaring maharap sa death penalty sakaling maibalik sa kanyang bansa ngunit sa hindi inaasahang dahilan ay nagkaroon ito ng isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, dahilan upang magtagal pa ito sa bansa para harapin ang kaso.

Ang BI at NBI ay attached agencies ng DOJ na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Secretary Boying Remulla.

265

Related posts

Leave a Comment