INAMIN ng isang mambabatas na dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na may quota ang mga ito noong kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng House committee on public order sa ‘illegal arrest” ng mga miyembro ng Drug Enforcement Group (DEG) ng PNP Region 4A sa dalawang inaresto ng mga ito na inakusahang nagtutulak ng droga sa Rizal, sinabi ni 1Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita na isa sa mga dahilan kung bakit nag-resign agad ito sa serbisyo ay dahil sa quota system.
“Base sa aking personal experience, ang nagtutulak dito, in fairness dito sa ating mga kapatid na police personnel eh, naniniwala ako, etong mga ito ay sumusunod lang dun sa….meron kasi Mr. Chair na quota eh. Naranasan ko po yan,” ani Bosita.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag dahil lumalabas sa pagdinig ng komite na dinukot ng mga pulis ang dalawang biktima at saka inakusahang nahuli sa buy-bust operation taliwas sa kuha ng CCTV footage na nakuha ni Antipolo City Rep. Romeo Acop sa local government.
Sinabi ni Bosita na kada Lunes ay sinisingil umano ang mga ito sa quota na itinakda ng mas nakatataas sa kanila at kapag nabigo ang mga ito ay pwede silang tanggalin sa puwesto.
“May watchlist bawat station. Yung accomplishment dun ay yung nasa watchlist,” ani Bosita.
Binigyan umano sila ng listahan ng 21 katao at 20 sa mga ito ay hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa kanyang area of assignment. Gayunman, hindi sinabi ng mambabatas kung saan probinsya ito nakatalaga nang mga panahong iyon.
Sinulatan umano nito ang mga nasa watch list na sumuko kaya sumunod ang mga ito at walang namatay subalit makalipas lang ang isang linggo ay sinibak siya sa puwesto.
“May nagsabi sa akin na “o Boni, three months ka pa lang sinibak ka na. Mahina ka kasi eh, pinasurender mo lang yung twenty,” pagsisiwalat pa ng dating Lt. Colonel ng PNP.
Dahil dito, pinayuhan ng mambabatas ang pulis na maawa ang mga ito sa mga naisasakripisyong indibidwal dahil lang sa pride na ma-meet ang quota.
“Nakakaawa ang mga individual na nasa-sacrifice dahil sa trabaho ng iba nating kasama,” ayon pa kay Bosita.
Para kay ACT party-list Rep. France Castro, maaaring isama sa kaso sa ICC ang mga isiniwalat ng kapwa kongresista.
“I think that Rep. Bosita’s claim can be used to further strengthen the case at the International Criminal Court (ICC) so that those most responsible for the thousands of EJKs would be held accountable,” aniya.
Sa ulat, humigit kumulang 7,000 ang napatay sa police operation laban sa ilegal na droga noong panahon ng war on drugs ni Duterte. Sa tala naman ng human rights advocates, aabot ito sa 30,000 kung isasama ang mga biktima ng extrajudicial killings.
“Naniniwala ako na ang ‘quota system’ na ito ay isa mga dahilan sa talamak na extra-judicial killings (EJK) at human rights violations sa panahon ng pekeng drug war ni Duterte at mukhang ginamit din laban sa mga aktibista at iba pang kritiko ng administrasyon niya,” ani Castro. (BERNARD TAGUINOD)
266