RADIO BROADCASTER TINADTAD NG SAKSAK

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

KINUKONDENA natin ang pagpatay sa pamamagitan ng pananaksak sa radio anchor at isa ring municipal councilor ng Marihatag, Surigao del Sur, sa mismong gasolinahan sa Barangay Poblacion, noong nakaraang Sabado ng umaga, Disyembre 6, 2025.

Hindi umabot nang buhay sa Marihatag District Hospital ang biktimang si Radio anchorman/councilor Gerry Sales Campos, na tinadtad ng saksak sa kanyang sikmura ng suspek.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Sandy Constantin Rivas, na agad tumakas matapos ang krimen pero nahuli rin siya sa hot pursuit operation.

Ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ng mga awtoridad sa kanyang ginawang pagpatay kay Campos.

Sa inisyal na imbestigasyon, kabababa lang umano ni Campos mula sa sasakyan sa isang gasoline station dakong alas-7 ng umaga nang bigla siyang nilapitan at inundayan ng saksak ni Rivas.

Hindi na umano nakailag ang biktima sa ginawang pag-atake sa kanya ng suspek dahil wala siyang kaalam-alam at nabigla siya nang undayan ng saksak ni Rivas.

Bumulagta ang biktima sa kalsada at isinugod ng disaster responders sa ospital pero idineklarang patay na.

Habang isinusulat natin ito, ay wala pang inilalabas na resulta ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang motibo ng pananaksak ni Rivas kay Campos.

Bagama’t hindi pa malinaw kung may kinalaman sa kanyang pagiging radio broadcaster o bilang isang halal na opisyal ng Surigao del Sur ang pagpatay kay Campos, ay isa naman itong panibagong maisasama sa listahan ng media practitioners na pinaslang sa ilalim ng BBM administration.

Kailangang mapiga ng mga awtoridad ang suspek kong ano ang motibo at kung sino ang nag-utos kung mayroon man para patayin niya si Campos.

Ang nangyayari kasi ngayon kapag hindi kayang patahimikin ang media practitioner o ordinaryo mang tao, sa kanyang ginagawang pagbatikos sa mga nakaupong opisyal ng pamahalaan na korap, ay ipapatay na lang siya gamit ang hired killer.

Madali lang naisasakatuparan ng mga tao na may pera, lalo na ang mga nakapwesto sa gobyerno, ang pagpapatay sa kanilang kalaban gamit pa minsan ang kanilang impluwensiya.

Imbes na magserbisyo ang ilang opisyal ng gobyerno sa mga tao ay sila pa ang perwisyo sa mga nagpapasweldo sa kanilang taumbayan, ganoon na ang nangyayari ngayon.

Mabibilang na lang sa daliri ang mga government official na totoong naglilingkod sa taumbayan nang totoo, karamihan sa kanila ang nasa isip ay pagkakaperahan nila ang kanilang posisyon.

Kaya ganoon ang nangyari ngayon, maraming mga mambabatas at government officials ang nadadawit sa katiwalian sa mga proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

oOo

Binabati natin ang matagumpay na isinagawang “1st VCPS Chief of Police Cup – PCol. Joseph G. Talento Funshoot 2025,” na ginanap noong nakaraang Nobyembre 28, 2025 at Disyembre 2, 2025 sa Punturin Firing Range.

Panauhing pandangal sina Valenzuela City Mayor Hon. Wes Gatchalian, PBGen. Jerry V. Protacio, District Director ng Northern Police District, at Sir Boy Manalad, President ng AMICIS, na nagbigay ng kanilang suporta sa nasabing aktibidad.

Ang funshoot ay naisakatuparan sa pakikiisa ng VCPS, Valenzuela LGU, civilians and various guests and shooting enthusiasts, all showcasing, camaraderie, sportsmanship, and responsible gun handling.
Ang mga nanalo ay opisyal na inanunsyo at pinagkalooban ng premyo kahapon, December 8, 2025.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng VCPS ang sponsors sa kanilang suporta kaya naging matagumpay ang funshoot.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

92

Related posts

Leave a Comment