NAGHAIN si Senador Manuel “Lito” Lapid ng panukalang batas na naghahangad na magbigay ng pansamantalang mga lisensya sa mga istasyon ng radyo na may nakabinbing aplikasyon ng pag-renew ng prangkisa sa Kongreso.
Sa Senate Bill 1522, nais nitong amyendahan ang Section 1 ng Republic Act No. 3846 na nagsasaad na dapat na magkaroon ng regulasyon sa mga radio station sa bansa.
“A legislative franchise for a radio station of any person, firm, company, association or corporation shall be deemed provisionally renewed upon the valid filing in Congress of a bill seeking for its renewal,” ayon sa panukala.
Isinasaad pa rito na pagkalooban ng provisional license ang istasyon ng radyo bago ang aktwal na pag-expire ng legislative franchise.
“Malinaw na may pagkukulang o butas sa ating batas kaugnay sa pag-renew ng prangkisa ng isang kumpanya pero kaya naman itong remedyuhan ng isa ring batas. Layunin ng panukalang inihain ko na solusyunan ang pagkukulang o hindi patas na probisyon kaugnay sa pagtrato sa mga kumpanyang humihiling na ma-renew ang kanilang prangkisa. Hindi dapat ibigay ang buong kapangyarihan sa National Telecommunications Commission (NTC) para magdesisyon kung ano-anong istasyon ang magpapatuloy ang operasyon at ano ang dapat nang ipasara habang nakabinbin ang aplikasyon para sa renewal ng kanilang prangkisa,” paliwanag ni Lapid. NOEL ABUEL
