RAKET NI MAMA GHALA DAGDAG KALBARYO SA MGA OFW, LABATT NASSER INAASAHANG UMAKSYON (HULING BAHAGI)

MATAPOS na aking ­mailathala ang mga sumbong ng ilang OFW laban kay Mama Ghala ng Riyadh, Saudi Arabia, patuloy na dumating pa ang ibang mga reklamo na ipinarating sa pamamagitan ng Voice Mail.

Itatago ko sa pangalang “OFW Angela” ang nagpadala ng mensahe at ang kanyang sinabi ay, “Ako po si OFW Angela, personal na po akong lumapit sa inyo upang isumbong ang paulit-ulit na pagbenta sa akin sa ibang employer ni Madam Ghala.”

“Ako po ay may ­karamadaman na iniinda sa aking kidney. Kahit ilang beses ko na po itong ipinaalam sa ­aking employer ay binabalewala po lamang nila ako. Maraming beses na po ako nakiusap na pauwiin, pero malimit ay ibinibenta lamang ako sa ibang employer imbes na pauwiin ni Madam Ghala”.

“Hindi lamang po ako ang binibenta, marami po kami na humihingi ng tulong na pare-pareho ang naging kapalaran kay Mama Ghala dahil wala kami magawa kahit na ­maglupasay pa kami pero ayaw nya talaga kami pauwiin.”

“Goodman Manpower Agency po ang aking ahensya sa Pilipinas. Kaya ako nakarating kay Mama Ghala dahil yung unang employer ko ay pinayagan ako na maka-uwi nung ako ay makiusap na pauwiin dahil na-stroke ang aking asawa. Pumayag naman ito at akala ko nga ay ibabalik ako sa agency ko. Pero pagdating ko sa Riyadh Airport ay may sumundo sa akin na driver na akala ko ay ihahatid lng ako sa aking ahensya, pero dinala lang pala nya ako kay Madam Ghala.”

“Pero imbes na pauwiin ay dinala nya uli ako sa Jeddah para ipagbili sa bagong employer. Wala po akong nagawa kundi ang sumunod na lamang sa kanya dahil sa ­aking takot dahil hindi ko naman siya kilala. Doon po sa loob ng tahanan ni Madam Ghala ko nakita ang marami pang mga Pilipina nakakulong at ibinibenta rin sa ibang employer.

Matapos na ako ay magtrabaho ng ilan buwan sa Jeddah, ay muli na naman akong kinuha ni Madam Ghala at ipinasa na naman ako sa isang employer sa Riyadh.

Matapos ng ilang buwan sa Riyadh ay kinuha na naman ako ni Madam Ghala at ipinasa sa ibang employer na nasa Dammam. Saudi Arabia.

Matapos sa Damman ay dinala naman ako sa Taif. Nakiusap ako sa aking pamilya na iparating na sa Philippine Overseas Labor Ofiice ang aking pinagdaraan pero wala pa rin aksyon na ginagawa para matulungan ako na makauwi na sa Pilipinas” ang pagtatapos ni OFW Angela.

Noong Sabado ng gabi ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap sa Messenger si Jasmine Prince Sultan at tahasan naman niyang pinasinungalingan ang mga bintang sa kanya.

Diumano ay kaya lamang siya nababangit ng mga biktima dahil nalaman nito ang kanyang pangalan noong siya ay tumulong para lamang itranslate ang mga sinasabi ng employer.

Nilinaw rin niya na siya ay nagtatrabaho sa tatlong ahensya sa Saudi Arabia na Lhada Al Sharuq, Waqt Al Surrah at Al Munjaz Al Awal. Siya rin ay nagpresenta na personal na magtutungo sa Philippine Embassy upang makipagtulungan sa gagawin nitong pagimbestiga upang linisin ang kanyang pangalan.

Sa aking pananaw, ay hindi dapat balewalain ng Philippine Emabassy at ng Philippine Overseas Labor Office ang mga sumbong na aking nailathala. Naipadala ko na rin kay Labor Attache Nasser Mustafa ang mga pirmadong salaysay at iba pang ebidensya ukol rito at umaasa ang AKOOFW na ito ay gagawa ng seryosong aksyon upang masaklolohan ang iba pang OFW na biktima ni Mama Ghala.

164

Related posts

Leave a Comment