NADAKIP ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang isang itinuturing na most wanted person sa kasong rape sa Ormoc City.
Kinilala ni P/BGen. Estomo ang arestadong suspek na si Ronaldo Nodalo y Otero, construction welder, residente sa Rizal Extension, Brgy. District 26, Ormoc City, Eastern Visayas.
Ayon sa ulat, noong Abril 20, dakong alas-6:00 ng umaga, ang AKG team sa pangunguna ni P/CMSgt. Gilberto Bibar, VFU, sa ilalim ni P/Lt. Col. Victor C. Loon, AC, VFU, kasama ang mga operatiba ng Ormoc Satellite Office at Ormoc City Police Station, ay nagsagawa ng intelligence operations upang matunton at maaresto ang suspek sa kasong rape, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Maria Corazon S. Vergara-Naraja, presiding judge ng RTC Branch 47, 8th Judicial Region, Ormoc City, Leyte, ngunit walang inirekomendang pyansa, at may petsang Abril 14, 2021.
Napag-alaman, si Nodalo ay suspek umano sa panggagahasa sa kanyang 5-anyos na anak na si Joy noong Nobyembre 2, 2020.
Sinasabing ipinasok ng lasing na suspek ang kanyang daliri sa pribadong bahagi ng katawan ng paslit.
Nabatid na bago ang insidente, nagtalo umano ang lasing na suspek at ang ina ng biktima.
Agad namang nagreklamo sa himpilan ng pulisya ang ina ng biktima at sinampahan ng kaso ang suspek.
Nang mabatid ito ng suspek ay nagtago ito ng halos limang buwan ngunit sa matiyagang paghahanap ng mga tauhan ni Estomo at sa tulong ng local police ay nadakip si Nodalo.
Ang suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng PS 1, Ormoc City Police Station lock-up jail.
Samantala, nahuli rin ng mga tauhan ng PNP-AKG, sa pamumuno ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, ang most wanted person sa Lanao del Norte, sa kasong murder.
Kinilala ng mga tauhan ng AKG-MFU ang suspek na si Morad Adapun y Ditucalan alyas Fajad Adapun Ditucalan, nadakip noong Lunes, Abril 19, dakong alas-6:15 ng madaling araw sa East Poblacion, Baloi, Lanao Del Norte.
Napag-alaman, nagkasa ang PNP-AKG, kasama ng mga operatiba ng MFU sa ilalim ni P/Lt. Abraham S. Momongan, sa ilalim ni P/Col. Clarence C. Gomeyac, C, MFU, ng Baloi MPS, RMFB-10, MAPIO-Northern Central Mindoro Satellite Office, MARPSTA-Maritime Group at RIU-10, ng intelligence operation upang ma-validate ang suspek sa kasong murder sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Concordio y Baguio, presiding judge ng RTC Branch 4, 10th Judicial Region, Lanao Del Norte, ngunit walang inirekomendang pyansa, at may petsang Enero 13, 2013.
Si Adapun ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang Balao Ali Ato, na pinagbabaril umano nito noong Marso 22, 2012 sa East Poblacion, Baloi, Lanao Del Norte.
Ayon sa ulat, makaraan ang siyam na taong pagtatago ay nadakip ng mga tauhan ng PNP-AKG ang nasabing suspek.
Ang suspek ay nasa kustodiya ng Baloi MPS lock-up jail. (JESSE KABEL)
