NATIMBOG sa entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang 32-anyos na rape suspect sa loob ng silid ng isang hotel sa Avenida Rizal, Sta. Cruz, Manila noong Biyernes ng gabi.
Nahaharap sa kasong robbery extortion at rape ang suspek na kinilalang si Engelvert Nuñez y Gamit, may asawa, tubong Sablayan, Occidental Mindoro.
Batay sa ulat ni P/Major Cicero Pura ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District, bandang alas-9:20 ng gabi noong Biyernes nang matimbog si Nuñez sa Luxury Lodging Inn sa Sta. Cruz, Manila.
Nauna rito, inireklamo ng isang alyas Realyn, 30-anyos, dalaga, dating overseas Filipino worker (OFW), at saleslady, na dinala umano siya ng suspek sa isang hotel at ginahasa.
Ngunit makaraan ang insidente ay nagbanta umano ang suspek na ipakakalat ang malalaswa niyang larawan kapag hindi siya nagbigay ng P20,000.
Bunsod nito, humingi ng tulong sa mga awtoridad ang biktima na nagresulta sa ikinasang entrapment operation na ikinadakip ng suspek.
Ang suspek ay nadakip ng mga tauhan ng DSOU, kasama sina P/Capt. Jervies Soriano ng District Police Intelligence Unit, sa ilalim ni P/Lt. Col. Levi Hope Basilio, at P/Lt. Reslie Fatima ng Women’s and Children Protection Unit. (RENE CRISOSTOMO)
480
