HINDI pa rin papayagan ng pamahalaan ang iba pang serbisyong ino-offer ng mga salon at barbershop, maliban lamang sa pagpapagupit o haircut.
Sinabi ni DTI Sec. Ramon lopez na sa kanilang pagpupulong sa IATF, napagpasyahan aniya na huwag munang pahintulutan ang manicure, pedicure at iba pang basic services sa mga salon at barbershops para na rin sa kaligtasan ng bawat isa.
Aniya, ang desisyong ito ay para hindi na magtagal pa sa loob ng establishment ang isang customer.
Sa ganitong paraan aniya, masisiguro nilang maliit o less lamang ang exposure ng mga Filipino sa virus sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Pero, inihayag ni Sec. Lopez, na sa areas ng modified GCQ at pinapayagan ang 50% operating capacity, lahat ng services na ino-offer ng mga barbershop at salon ay pwede na ngunit kailangan pa ring sumunod sa strict minimum health protocol standard na ibinigay ng DoH.
Apela ng kalihim sa mga nasa GCQ area ay kaunting tiis pa dahil unti-unti nang maibabalik ang lahat ng kanilang serbisyo sa mga susunod na araw. CHRISTIAN DALE
