REDISTRICTING NG RIZAL 2ND DISTRICT, LUSOT NA SA KAMARA

APRUBADO na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong hatiin ang Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Rizal.

Sa ilalim ng House Bill No. 6222 na inakda ni Rizal second district Rep. Fidel Nograles, ang mga bayan ng Teresa, Morong, Cardona, Baras, Tanay, Pililla, ay mananatili sa Ikalawang Distrito, habang ang bayan ng San Mateo ay 3rd district at Rodriguez ang gagawing 4th congressional district.

Samantala, mananatili ang mga bayan ng Cainta, Taytay, Angono at Binangonan sa 1st district na kinakatawan ngayon ni Congressman Jack Duavit at Ang Teresa, Cardona, Morong, Baras, Tanay, Pililia at Jalajala ay mananatiling 2nd District ng Rizal Province.

Una nang inaprubahan sa 16th Congress ang redistricting ng Rizal na inakda noon ni Rep. Isidro Rodriguez Jr. subalit hindi ito umusad sa Senado.

Ngayong 18th congress, muling inihain ni Nograles ang panibagong bersyon pero sa halip na dalawang distrito, ginawa niya itong tatlo sa kanyang panukala.

Ang paglikha ng karagdagang distrito ay nangangahulugan ng pagtaas ng pondo para sa lalawigan na maaaring magamit sa mas maraming programang pangkalusugan, pangkabuhayan, edukasyon at imprastraktura at dagdag na pondo para sa ospital, gamot at iba pang tulong pinansyal.

Sa ilalim ng Article 6, Section 5 ng 1987 Constitution, 250,000 ang kinakailangang bilang ng populasyon bago makalikha ng bagong distrito.

Sa pinakahuling census noong 2015, umaabot na sa 369,222 ang residente ng Rodriguez habang 252,527 ang bayan ng San Mateo. KNOTS ALFORTE

184

Related posts

Leave a Comment