ANGELES CITY – Nadakip ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang 28-anyos na lalaking kabilang sa listahan ng regional drug target personalities, sa isinagawang anti-narcotics operation noong Huwebes ng hapon sa Barangay Pulung Maragul sa lungsod.
Ayon sa ulat na isinumite ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pampanga Office, kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nadakip sa inilatag na buy-bust operation ang isang alyas
“Josh”, 28-taong gulang, residente ng Barangay Bulaon, City sa San Fernando, Pampanga.
Sinasabing kabilang si Josh sa talaan ng regional targets for illegal drugs.
Nasamsam ng mga operatiba ng PDEA Pampanga ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng sampung gramo ng umano’y shabu na may halagang P68,000 at ang ginamit na marked money.
Nabatid na na mahigit isang buwang tinitiktikan ng mga operatiba ang suspek bago napakagat sa kanilang bitag at ikinasa ang buy-bust operation katuwang ang Angeles City Police Office.
Nahaharap ang suspek sa non-bailable offense sa ilalim ng Section 5 (sale of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inihahain ng PDEA.
Ang suspek ay posibleng mahatulan ng life imprisonment at multa na aabot sa P500,000 hanggang P10 million.
(JESSE RUIZ)
