UPANG makaiwas sa laganap na coronavirus 2019 (COVID-19) minabuti ng pamahalaang lokal ng Maynila na iproseso na lamang sa internet (virtual) ang pag-renew ng business permits.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso makaraang personal na igiya at ipakilala nina Bureau of Permits chief Levi Facundo at Electronic Data Processing Department head Fortune Palileo ang innovative system sa layuning tuluyan nang alisin ang human interaction and intervention na pangunahing dahilan ng pagkakabalam ng proseso at nagiging ugat ng katiwalian at korapsyon na pinagpipistahan ng mga fixer.
Sa pamamagitan ng virtual application at renewal processes na tinatawag na E-BOSS (business one-stop shop), malugod na sinabi ni Moreno na ang mga may-ari ng negosyo sa Maynila ay maaari nang makipagtransaksyon kahit nasa loob sila ng palikuran at makatitipid pa ng gasolina at pamasahe dahil hindi na sila kailangang magtungo sa Manila City Hall.
Ayon pa sa alkalde, lahat ng requirements na kailangan para sa business permit applications ay matatagpuan na rin sa online system. Ito ay ang ancillary permits na hinihingi mula sa Bureau of Fire Protection at barangay, na kinabibilangan ng fire safety inspection certificate at barangay clearance.
Kasabay nito, pinuri ng alkalde sina Facundo at Palileo sa ginawang napakalaking pagbabago na pipigil sa panganib na dala ng pagkakabilad at pagkalat ng COVID-19, hindi lamang sa mga may-ari ng negosyo kundi maging sa mga kawani ng City Hall.
Sinabi pa nito, ang tanggapan ni Facundo ay magkakaroon ng mga kawani na tutulong sa mga tao na hindi ‘techie’ o kapos sa kaalamang teknikal, upang maintindihan nila ang bagong sistema at tuturuan sila upang kapag magre-renew ay hindi na sila kailangan pang pumunta ng City Hall.
Sinabi pa ng alkalde, sa pamamagitan ng virtual scheme, ang mga naghahanap ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng ‘fixing’ at red tape ay tuluyan nang mawawala sa Manila City Hall.
Ang kabuuang oras para matapos ang transaksyon ay aabutin lamang ng 25 minuto at kapag nai-post na ang halagang babayaran ay maaari na ring gawin ang bayaran online, ayon pa sa alkalde. (RENE CRISOSTOMO)
141
